EDITORYAL – Makalalanghap na raw nang malinis na hangin

NGAYONG 2016, makalalanghap na raw nang malinis na hangin ang mga taga-Metro Manila, ayon sa Department of Environment and Natural Resources­ (DENR). Ito ay sapagkat ipatutupad na ng mga kompanya ng langis ang pagbebenta ng Euro 4 fuel. Noong nakaraang taon pa umano nagbigay ng direktiba ang DENR na dapat Hulyo 1, 2015 ay gagamit na ng cleaner fuel ang mga sasakyan. Papalitan na ang dating ginagamit na Euro 2 fuel. Ngayong Enero­, lubusang ipatutupad ang pagbebenta ng Euro 4 at nagbigay na rin ng direktiba ang Department of Energy­ ukol dito. Ipatutupad na nga ngayong buwan na ito ang pagbebenta ng Euro 4 gasoline at diesel sa lahat ng mga gas stations.

Malaking tulong ang Euro 4 fuel para mabawasan ang grabeng pollution sa Metro Manila. Magandang hakbang ang ginawa ng DENR at maski ang DOE para malunasan ang malalang air pollution na nagdudulot ng sakit sa mamamayan. Kung maipa­tutupad ang paggamit ng Euro 4, maaaring malunasan na nga ang pagkalason pa ng hangin sa Metro Manila. Ilang taon na ang nakararaan, sinabi ng isang propesor sa University of the Philippines (UP) na kung hindi gagawa ng solusyon ang pamahalaan, darating ang panahon na hindi na matitirahan ang Metro Manila dahil sa grabeng air pollution.
Sa report ng World Health Organization (WHO) tinatayang 3.7 milyong tao sa buomg mundo ang namamatay taun-taon dahil sa air pollution. Ang mga namamatay ay may edad 60 pababa. Pinagbasehan nila ang report mula sa 1,600 na siyudad sa 91 bansa­. Karamihan umano sa mga namatay dahil sa air pollution ay nakatira sa urban areas.

Hindi lamang ang paggamit ng malinis na fuel para sa mga sasakyan ang solusyon para makalanghap ng sariwang hangin, nararapat din ang walang patid na kampanya laban sa mga lumanng sasakyan na nagbubuga ng may lasong usok. Ang DENR na rin ang nagsabi noon na 80 percent ng usok na nagpaparumi sa hangin ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Magsagawa ng regular na smoke-belching­ campaign.

Ipatupad din ang Clean Air Act of 1999 para mapigilan ang mga nagpaparumi ng hangin. Walisin sa kalsada ang mga lumang sasakyan na nagbu­buga ng hangin na nakamamatay.

Show comments