EDITORYAL - Lansagin ang private army groups

MAGSISIMULA na ang election period sa Enero 10, 2016. At iisa ang ibig sabihin nito, iinit na ang pangangampanya ng mga pulitiko. Kahit ang campaign period para sa mga tatakbong Presidente, Bise Presidente at party-lists representatives ay sa Pebrero 9, 2016 pa magsisimula, tiyak na mayroon nang mauuna. Ngayon pa lang, nagkalat na ang mga streamers at tarpaulin ng mga kandidato. Nakatakda naman ang campaign period sa mga tatakbong kongresista, mayor, vice mayor at mga konsehal sa Marso 26, 2016.

Kapag nagsimula na ang kampanya, inaasa-hang marami ang maitatalang krimen dahil sa mga nagkalat na baril. Maraming baril ang walang lisensiya at maaaring gamitin ito ng mga pulitiko para sa kanilang pansariling interes. Hindi rin naman maitatago na maraming pulitiko ang may private army at mayroong armory. Kapag nagkaharap ang dalawang pulitikong may kanya-kanyang hukbo, karahasan ang ibubunga.

Nagkalat ang baril ngayon at hindi lamang pulitiko ang mga nagmamay-ari kundi pati na sindikato. Ang riding-in-tandem criminals ay walang puknat kung sumalakay at pumapatay gamit ang baril. Maski na ang mga karaniwang mamamayan ay mayroon ding baril. Kamakailan, nakunan ng CCTV ang pamamaril ng isang lalaki sa kanyang kapitbahay na lalaki. Walang anumang nilapitan ng lalaki ang kanyang kapitbahay at pinaputukan sa ulo. Namatay ang biktima.

Hindi naman masawata ng Philippine National Police (PNP) ang pagdadala ng baril. Kahit pa may checkpoint, wala ring epekto at patuloy ang paglaganap ng krimen.

Pinakamainam na dapat gawin ng PNP ay sala­kayin na ang mga pinaghihinalaan nilang pulitiko na nag-iingat ng mga baril. Huwag nang hintayin pang magkaroon ng sagupaan ang magkakalabang pulitiko. Kung malalansag ang private army groups ng pulitiko, makakasiguro nang mapayapang election. Maging maingat naman ang PNP sa pagdedeploy sa mga pulis. Kung maaari, huwag idestino ang pulis sa sariling bayan at baka gamitin lamang sila ng pulitiko para sa pansariling kapakanan.

Show comments