Kahilingan ngayong Pasko

ANG Pasko ay isang panahon kung kailan ang mga tao ay puno ng pasasalamat sa kanilang mga puso — sa masaganang buhay, mabuting kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, kaligtasan mula sa kapahamakan, pagsama-sama ng pamilya, at pangkalahatang kabutihan at biyaya na natanggap ng nagdaang taon. 

 Ito rin ay panahon kung kailan tayo ay puno ng pag-asa na ang hinaharap ay magiging mas mabuti para sa ating lahat. Kaya naman ay hindi maiaalis sa atin na magkaroon ng mga Christmas wish o munting dasal na sana ay mapagbigyan sa darating na panahon.

Nawa ay maging matagumpay ang pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Joseph ‘‘Erap’’ Estrada sa kanilang misyon na pagbabagong-bihis at pagbabalik ng dating sigla ng ating minamahal na Lungsod ng Maynila. Marami na ang mga naging positiong pagbabago sa kapitolyong lungsod at nawa ay magkaisa ang mga mamamayan nito upang mapanatili ang kaayusan at mapayabong pa ang kaunlaran nito. 

 Sana ay mapagbigyan ang hiling ni Senador Jinggoy Estrada na makapagpiyansa sa kanyang kasong kinakaharap sa Sandiganbayan. Matapos ang isa at kalahating taon ng pagdinig sa kaso ay malinaw na walang naiharap na matibay na ebidensya ang prosekusyon upang patunayan ang kanilang bintang kay Jinggoy. 

 Sa pagtatapos ng bail proceedings nitong buwan, naniniwala at umaasa kaming magiging pabor kay Jinggoy ang desisyon ng korte at hindi magtatagal ay makakasama na niya ang kanyang pamilya ay higit sa lahat ay makakabalik na siya sa kanyang trabaho sa Senado upang pagsilbihan ang halos 20 milyong Pilipino na bumoto sa kanya bilang mambabatas.

Nawa ay maging malinis ang darating na halalan, maging tapat ang bilangan at maging malalim ang pangangampanya ng mga kandidato na sa halip na magtapunan ng putik ay pag-usapan kung ano ang kanilang ginawa at magagawa pa para pagsilbihan ang bayan. 

Sana ay mabigyan ng agarang tulong ng pambansang pamahalaan ang mga biktima ng kalamidad at trahedya ng nakaraang mga bagyo upang ganap silang makabangon at makapagsimula ng bagong buhay. Nawa ay pagkalooban sila ng katatagan at matibay na pananalig upang malampasan nila ang pagsubok na ito, sa tulong ng ating mga kababayang handang tumulong at makipagbayanihan. 

Nawa ang pagdiriwang ng Pasko at ng paparating na Bagong Taon ay maging ligtas, makabuluhan at puno ng pag-asa at kabutihan. 

 

 

Show comments