NAGBIGAY na ng testimonya ang lalaking Singaporean na akusado sa pagmamaltrato sa kanilang Pilipinong kasambahay na si Thelma Oyasan Gawidan. Ayon sa kanya, hindi naman masama ang hangarin ng kanyang maybahay. May sakit umano ang kanyang asawa na anorexia nervosa, at obsessive-compulsive disorder. Naka medikasyon ang kanyang asawa dahil madalas daw siyang wala sa bahay dahil sa trabaho. Natataon na dahil hindi maysadong kumakain ang kanyang asawa, ganun na rin para sa kanilang kasambahay. At dahil nga obsessive-compulsive sa kalinisan, pinipilit nilang huwag nang gamitin ang kusina at banyo nila, para hindi marumihan. Kapag marumihan daw, masyadong matagal maglilinis.
Kung may ganitong sakit pala ang kanyang asawa, bakit pinababayaang mag-isa? Dapat palaging may kasamang kamag-anak o taong malapit sa kanya, at hindi lang kasambahay. Lumalabas na may espesyal na pangangailangan ang kanyang asawa. Caregiver siguro ang kailangan. Hindi rin sapat ang kanyang paliwanag para sabihing walang ginawang masama sa kasambahay. Dahil may batas sa Singapore hinggil sa maayos na pagtrato sa mga kasambahay, responsibilidad din niya ito, at hindi ng kanyang asawa na may sakit umano. Hindi dapat pinabayaan silang dalawa lamang ang magkasama sa bahay. Ayon din sa ahensiya na nagbigay ng kasambahay sa mag-asawa, ganito rin ang dinanas ng naunang kasambahay na taga-Indonesia. Agad umalis ang nasabing kasambahay dahil sa isyu nga ng pagkain. Dapat ganun din ang gagawin ni Gawidan, pero pinakiusapan umano ng lalaki na manatili na muna hanggang mabenta ang bahay. At kung ganun na may kasaysayan na pala, dapat hindi na binigyan pa ng ibang kasambahay. Dapat may pananagutan din ang ahensiya.
Sa susunod na buwan muling magpapatuloy ang pagdinig sa kaso. Maraming nakatutok sa kasong ito. Maraming OFW sa Singapore, kaya inaalam ang magiging katapusan ng kaso. Maraming mamamayan din ang sumusubaybay, para malaman kung gaano kahigpit ang batas sa aspetong ito. May karapatan ang sinoman, kahit kasambahay. Walang lugar ang kalupitan, sadya man o hindi, sa lipunan.