MANGANGAILANGAN nang maraming Pilipino medical personnel at construction workers sa malapit na hinaharap sa Qatar.
Good news ito sa mga kababayan natin na gustong magtrabaho sa ibang bansa at kumita ng dolyares.
Sang-ayon sa Department of Labor and Employment, may joint venture ang Pilipinas at Qatar na magpatayo ng isang Pilipino hospital doon. Pirmado na ang memorandum of agreement para ipatayo ang naturang ospital.
Ang Qatari business community ang magbibigay ng lote at magpapatayo ng ospital samantalang grupo ng ating mga kababayan ang mamamahala na kung saan ay pawang Pilipino ang kukuning medical staff.
Tunay na magandang balita ito sa lahat ng construction staff, simula sa architects, engineers hanggang sa karaniwang karpintero, mason, plumber, electrician, pintor at iba pa dahil tiyak na daan-daan sa kanila ang kailangan para sa ipatatayong ospital.
Kasunod nito ang lahat ng klaseng doktor at medical workers naman ang ipadadala roon para magtrabaho. Malaking pagkakataon ito sa ating medical workers, lalung-lalo na ang nurses na sobra ang dami dahil nga hirap silang makakita ng trabaho hindi lamang sa ibang bansa kundi maging dito sa Pilipinas.
Pero kung talagang desidido kayong kumita ng mas malaking halaga sa ibang bansa kaysa karaniwang suweldo rito sa atin, kailangang matibay ang inyong dibdib at matigas ang inyong puso sa isang bagay.
Ang bagay na ito ay ang matinding kalungkutang inyong madarama sa inyong pagkakawalay sa inyong pamilya. Ito ang tinatawag na homesickness.
Pero malalampasan ninyo ito kung talagang naka-focus kayo sa magandang kinabukasan ng inyong pamilya.
Maari kayong sumali sa mga organisasyong Pinoy sa inyong jobsites na mayroong regular na aktibidades tulad ng sports competition para mabawasan ang inyong homesickness.
Kung nais ninyong gumanda ang buhay ng inyong pamilya, matitiis ninyo ang matinding kalungkutan. Tumutok lamang kayo sa inyong trabaho at sa inyong pananampalataya sa Panginoon.