CONVENIENCE ang pangunahin dulot ng teknolohiya. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga internet savvy na Pilipino ang gumagamit ng Uber, GrabCar at iba pang mobile app na pang transportasyon.
Walang masama sa ganitong klase ng mobile app. Suportado namin nina Mayor Erap at Senador Jinggoy ang mga innovative na mga paraan para makatulong sa masang Pilipino. Mas magiging maganda marahil kung homegrown o gawang Pilipino ang teknolohiya tulad ng 247 RemitPlus -- na isang multi-tenant at modularized computer software.
Subalit mayroon kaming katanungan tungkol sa paglipana ng Uber, GrabCar at iba pang Transportation Network Vehicle Services gamit ang mga makabagong teknolohiya. Ang tanging katanungan namin ay patas ba sa mga operator ng taxi ang pagpayag ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) sa Uber, GrabCar at iba pang mobile app na ang mga sasakyang ginagamit ay pribado’t walang prankisa sa pamahalaan?
Mayroon halos 400,000 na taxi ang nakarehistro sa LTFRB at mahigit 1 milyong drayber ang nagmamaneho ng taxi sa buong Pilipinas. Lingid sa ating kaalaman na ang mga taxi operator ay kumuha ng prankisa sa LTFRB bago payagan pumasada bilang pampasaherong sasakyan. Nakasaad sa Joint Administrative Order No. 2014-01 na pinirmahan ng DOTC noong Hunyo 2, 2014 na “if a private motor vehicle operates as a public utility vehicle (PUV) without proper authority from the LTFRB, it is operating as a colorum vehicle.”
Ipinaliwanag ng Department of Transportation and Communication (DOTC) kasama ang dalawa nitong ahensiya -- ang LTFRB at ang Land Transportation Office (LTO), na ang ibig sabihin ng colorum ay paglabag sa prankisa na ayon sa limang panuntunan. Alam natin lahat na ang buong Metro Manila ay isa sa mga congested traffic area sa buong mundo. At dahil sa sobrang trapik, masyadong mabagal ang daloy ng negosyo at masyadong pagod ang masang Pilipino sa biyahe na apektado rin ang kanilang productivity.
Ang malungkot sinasalamin ng lansangan sa buong Metro Manila ang estado ng ating lipunan.
Naniniwala ako na alam ng mga nanunungkulan sa ating pamahalaan kung ano ang nararapat na gawin.