Tama at mali ni Escudero

ANG sabi ni Sen. Chiz Escudero dapat imbestigahan si PDP-Laban Presidential bet Digong Duterte kaugnay ng pag-amin nito sa serye ng pagpatay sa mga kriminal. Tama iyan. Inamin ni Duterte sa isang radio interview na may pinagbabaril siyang tatlong kidnappers at isang drug lord na inihulog niya sa helicopter. Aniya pa,hindi lang 700 ang mga napapatay niyang tao gaya ng alegasyon ng iba kundi 1,700.

Dagdag ni Escudero, dapat gawin ang pagsisiyasat matapos ang eleksyon para hindi mahaluan ng kulay politika. Mali iyan Senator Escudero. Maling-maling-mali. Sa ganang akin, ang lahat ng ibig maging pinuno ng bansa o kaya’y naghahangad ng ibang elective position ay dapat suma-ilalim sa masusing pagsusuri ng taumbayan. Kasama iyan sa magiging batayan sa matalinong pagpili.

Si Davao City Mayor Duterte ay tumatakbo bilang presidente ng Pilipinas. Hihintayin pa ba natin na  maipuwesto siya sa Malacañang bago siyasatin sa kanyang inaming pagliligpit sa mga kriminal nang walang proseso ng hustisya? Huwag nating kalimutan na ang nahahalal na Pangulo ay hindi na ubrang kasuhan habang nasa puwesto.

Tutal sinasabi naman mismo ni Duterte na hindi siya mamamatay kung hindi maging presidente. Idinidiin niya na kung ayaw siyang maging pangulo ng tao, eh di huwag siyang iboto.

Eh kung yun ngang hindi umaamin sa kasalanan ay patuloy na sinisiyasat at inuusig (tulad ni VP Binay), yun pa kayang taong aminado na nagliligpit sa mga pusakal na kriminal bagamat hindi inaaming ito’y paglabag sa karapatang pantao?

Aaminin ko na maraming tao ang bilib kay Duterte dahil dismayado sila sa kalagayan ng peace and order sa bansa. Ang hinahanap ng tao ngayon ay isang leader na handang pagpapatayin ang mga kriminal gaya ng mga rapist, murde-rers at drug lords nang walang proseso ng hustisya. Ngunit hindi lahat ng gusto ng tao ay tama.

Sa isang matalinong botante, hindi isang alagad ng “dark justice” ang kailangan kundi isang leader na may political will at matigas na determinasyong ipatupad ang batas kahit sino ang masagasaan. Hindi isang leader na sa mismong palad inilalagay ang batas tulad ni Rodrigo Duterte.

 

Show comments