NALANTAD na ang katotohanan na kaya may “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay dahil sa mga matatakaw na airport personnel. Sabi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tanim-bala extortion scam ay kagagawan ng anim na airport personnel. Sinampahan na nila ng kaso ang anim na airport personnel dahil sa pagtatanim ng bala sa bagahe ng American missionary na si Lane White. Nabiktima si White ng tanim-bala noong Setyembre. Hinihingian ng P30,000 si White dahil nakitaan umano ng bala sa bagahe nito. Nang hindi makapagbigay ang Amerikano, ikinulong siya.
Ang anim na airport personnel na sinampahan ng kaso ay sina Police Insp. Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo, SPO2 Romy Navarro, Rolando Clarin, Marvin Garcia at Maria Elma Cigna.
Sa pagkumpirma ng NBI sa nangyayaring extortion sa NAIA, maaaring maliliwanagan na si DOTC Sec. Joseph Abaya at maniniwala na siya na talagang pinagkakaperahan ng mga matatakaw na airport personnel ang mga balikbayan, OFW at mga dayuhan.
Sabi pa ni Abaya noon, kakaunti lang naman daw ang mga may kaso ng bullets possession. Ayon kay Abaya, .004 percent lamang ang sangkot sa pag-iingat ng bala. Ang .004 percent ayon kay Abaya ay 1,510 katao. Ganito lamang umano karami ang mga may kaso ng bala. At ayon kay Abaya, 34.2 million ang nagdadaan sa NAIA at kung titingnan daw ang 1,510 na sangkot sa bala, kaunti lamang ito. Napakaliit na porsiyento lamang umano ang nauugnay sa bullet possession. Halos ganito rin ang sinabi ng Malacañang noon. Isolated case daw ang “tanim-bala” sa NAIA. Kaunti lamang ang mga sangkot.
Sa kanilang mga pahayag, nakita ang kawalan nila nang malasakit sa mga taong nabiktima ng “tanim-bala. Sa halip na ipag-utos ang pag-iim-bestiga, binalewala at isolated case lamang daw.
Sa pagkakadiin sa anim na matatakaw na airport personnel, maaaring mabawasan na ang “tanim-bala”. Mas maganda sana kung ganap na madadakma ang taong naglalagay ng bala sa bag ng pasahero. Ito ang dapat pigain para ikanta ang iba pang masisiba sa NAIA.