MAY nabiling antique wine cabinet sa isang “estate sale” sa Portland Oregon noong 2001 ang isang antique dealer. Ang mga gamit na ipinagbibili ay pag-aari ng isang matandang babae na kamamatay lamang sa edad na 103. Ang mga gamit niya na hindi na kapaki-pakinabang para sa mga kamag-anak ay pinagdesisyunan na ibenta.
Paalis na ang dealer nang habulin siya ng isang babae na nagpakilalang isa sa mga apo ng namatay.
“Noong nabubuhay pa ang aking Lola, laging nakatago sa kanyang kuwarto ang kanyang dibbuk.”
“Anong dibbuk?”
“Iyang nabili mong wine cabinet. Dibbuk ang tawag diyan ni Lola. Taga-Poland siya pero napadpad lang dito sa US. Nabili niya iyan sa Spain bago manirahan dito sa Oregon. Tapos nakagisnan ko na lang na lagi niyang sinasabi na hindi raw dapat buksan ang dibbuk. Kapag itinanong ko kung bakit. Hindi ako sinasagot. Anyway, ipinagbilin niya na kapag namatay siya ay isama raw namin ang dibbuk sa kanyang libingan. Pero bawal iyon sa Orthodox Jewish burial. Hanggang ngayon ay hindi pa namin iyan nabubuksan. Since nabili mo na iyan, naisip kong ikuwento sa iyo ang tungkol diyan.”
May tindahan ng furniture ang antique dealer. Sa basement ng tindahan niya itinago ang dibbuk. Bago itago, binuksan muna niya ito. Wala palang laman. Isang araw ay tinawagan siya ng kanyang sales clerk na may nakapasok na magnanakaw sa basement ng kanilang tindahan. Naririnig raw ng tindera na nagbabasag ito ng mga gamit. Dali-daling pinuntahan ng dealer ang tindahan. Pagdating niya ay ingay ng nagbabasag ng glass ang kanyang narinig. Dala ang baril, dahan-dahan siyang bumaba sa basement. Sumalubong sa kanya ang mapangheng amoy ng pusa. Pero wala naman silang alagang pusa at noon lang lumutang ang ganoon kabahong amoy.
Walang tao. Basag ang mga bombilya at ilang babasaging paninda nila. Iisa lang ang entrance at exit ng basement. Ganoon din sa mismong tindahan. Kung lalabas ito, makakasalubong siya pero wala talagang tao. Kung hayop naman, paano mababasag ng hayop ang nakasabit na bombilya sa mataas na kisame. Hindi na naresolba ang kasong iyon.
Iniregalo niya ang dibbuk sa kanyang ina. Pagkaraan ng ilang araw, na-stroke ito. Isinauli ng ina ang dibbuk sa kanyang anak at sinabing may dala itong kamalasan. Isang gabi, nahuli ng antique dealer na may lumalabas ng maitim na usok sa dibbuk at pagkatapos ay nagkorteng higanteng tao. Inihagis niya sa labas ng bahay ang dibbuk. Pero pagkaraan ng ilang minuto, dali-dali niyang dinampot ito at ini-locked ang pansara. Ipinagbenta niya ito sa eBay at ang nakabili ay si Jason Haxton, isang curator ng medical museum sa Missouri. Ikinuwento ng antique dealer kay Jason ang masama niyang karanasan sa dibbuk ngunit binili pa rin ito. Naisip ni Jason na isulat niya ang kuwento tungkol sa dibbuk pagkatapos maranasan din ang kababalaghan nito. Ayon sa espiritista na tumingin sa dibbuk, may bad spirit daw na namamahay dito. Ang kuwento ng dibbuk ay naisalibro at pagkatapos ay isinalin sa horror movie noong 2012 na may pamagat na The Possession.
(Sources: diabolicalconfusions.wordpress.com, Wikipedia)