ANG MGA TAONG MAY KAPANSANAN ay mas kailangan ang atensyon at kalinga lalo na sa panahong tulad ngayon kung saan papasok na ang pasko.
Ito ay upang mas maiparamdam sa kanila ang pag-asa at magkaroon sila ng lakas ng loob na lumaban sa kung anumang kakulangan o karamdaman ang kanilang pinagdadaanan.
Isa sa mga ahensyang nagbigay halaga sa mga Persons with Disabilities (PWDs) ay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Taon-taon silang nagbibigay ng pamasko sa iba’t-ibang uri at ilang sangay na nangangailangan ng kanilang tulong.
Sa pangatlong araw ng kanilang pagbibigay ng pamasko halos dalawang daang PWDs sa Makati ang nakatanggap ng regalo mula sa kanilang proyektong Pamaskong Handog.
Isang salu-salo ang inihanda ng PAGCOR para sa mga taong may kapansanan sa Handicapped Care Association Incorporated (Handicare, Inc.) at bawat isa sa kanila ay nabigyan ng noche buena pack na naglalaman ng mga pagaking panghanda.
Maliban dito nagbigay din ang PAGCOR ng labing limang wheelchair.
Ang Handicare, Inc. ay isang ‘non-profit’, ‘non-government institution’ na nangangalaga sa mga PWD’s at kanilang pamilya.
Naitayo ito noong kalagitnaan ng 1980’s. Ang organisasyong ito ay nagbibigay ng libreng programa at serbisyo tulad ng livelihood training, income-generating projects, feeding programs, treatment at rehabilitasyon para sa mentally o physically-impaired individuals.
Nagbibigay din sila ng educational assistance, health care at iba pang pangangailangan tulad ng pagkakaroon ng wheelchair, crutches at walkers.
Ang PAGCOR Director na si Enriquito Nuguid na namuno ng ‘gift-giving event’ ay binigyan diin ang pagbabahagi ng mga biyayang natamo ng isang tao sa ibang nangangailangan lalo na sa kapaskuhan.
“Ito po’y isang paraan namin para maipamahagi sa inyo ano man pong niyaya na aming natanggap. Nung nakita ko po kayo’y naalala ko po nung araw na nagtutulak din ako ng wheelchair ng aking Nanay. Sa ngalan ng PAGCOR board sa pangunguna ni Chairman Cristino Naguiat at COO Jorge Sarmiento, kami po’y masayang-masaya na narito kami ngayon para magbigay ng kasiyahan at regalo sa Handicare members,” sabi ni Nuguid.
Ayon naman sa Handicare, Inc. President Edgardo Castro ang PAGCOR’s Corporate Social Responsibility (CSR) project ay katulad ng kanilang misyon na mabigyan ng tulong ang mahihirap na sektor tulad ng mga PWDs.
Ipinapakita daw ng programa ng PAGCOR ang pangako nito sa prinsipyong Tuwid na Daan ng gobyerno dahil walang Pilipinong naiiwan.
Dagdag pa ni Castro lubos silang nagpapasalamat dahil nagkaroon sila ng kaagapay tulad ng PAGCOR na nagkaroon ng importanteng parte sa paglikha ng pantay na pag-unlad ng Pilipinas.
Maliban kay Castro ang 53 taong gulang na si Shirley Labini na miyembro na ng Handicare, Inc. Mula 2002 ay nagpapasalamat din sa PAGCOR dahil sa pag-aabot ng tulong sa katulad niya.
Nagkaroon siya ng polio noong siya’y pitong buwang gulang pa lang. Nakakalakad lamang siya sa tulong ng saklay.
“Malaking bagay po ito sa ‘min dahil mula po sa puso ninyo ang pagbibigay sa amin ng ganitong Pamasko,” sabi naman ng isang ina na nakatulong sa na madagdagan ang kita ng kanyang asawa bilang construction worker sa pagtitinda ng tuwalya at basahan.
Magkakaroon ang pamilyang ito ng disenteng noche buena pagdating ng pasko kahit na kapos sa pera dahil sa maagang regalo ng PAGCOR.
Dagdag pa ng isang miyembro ang pamasko na natanggap ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dahil may katulad ng PAGCOR na handang magbigay ng tulong sa kagaya nilang PWDs.
Si Sani Lanzon, 48 taong gulang ay labis na nagpapasalamat sa bagong wheelchair na ibinigay sa kanya. Siya ay isa lamang sa labing limang beneficiary na nakatanggap ng wheelchair.
“Nagko-commute lang po kasi ako pag nagpupunta ng ospital. Kaya malaking tulong po talaga sa tulad po naming may karamdaman na makatanggap ng ganitong regalo,” pahayag ni Lanzon na kasalukuyang nakikipaglaban sa sakit na stage 2 colon cancer. Natagpuan ang tumor sa kanyang ‘spinal column’ kaya’t hirap siya sa paglalakad.
Inaliw naman ang mga miyembro ng Handicare, Inc. ng Actor-Singer na si DJ Durano at ng PAGCOR’s Homegrown talents na si Joyce Tañaña at ang PAGCOR Voice Symphony.
Hindi lamang ang mga PWDs ang pasasayahin ng PAGCOR sa kanilang proyektong Pamaskong Handog 2015.
Magdadala din sila ng kasiyahan sa mga taong kapos sa buhay at mga pamilyang walang tahanan. Kabilang na dito ang mga inabandona at mga ulila, mga batang may ‘congenital heart disease’, batang may mental retardation, autism at may sari-sariling kapansanan.
Kasama din sa kanilang listahan ang mga matatanda, cultural minorities, naabusong kababaihan, barangay health workers at disaster volunteers at street sweepers.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618