Duterte gusto sa Malacañang

IBINIDA ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ilang buwan bago daw ang kandidatura ni Davao City Mayor Rody Duterte, nanawagan ang Human Rights Watch na imbestigahan ang extrajudicial killings sa kaniyang teritoryo.

Ang to HRW, ay isang pandaigdigang organisasyon na sumusubaybay sa lagay ng karapatang pantao sa buong mundo at nangunguna sa kampanya para maalis ang anumang uri ng diskriminasyon at paglabag sa karapatang pantao ng isang indibiduwal o isang grupo dahil lamang sa kaniyang relihiyon, pampolitikang paniniwala, kulay ng balat, lahi o seksuwal na oryentasyon.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, binatikos ng Amnesty International (AI), ang diumano’y vigilante-style nang paghahain diumano ng mayor ng Davao City ng hustisya? Sabing AI, dinudukot at pinapatay ng tinatawag na Davao City Death Squad, na pinaghihinalaang si Duterte diumano ang nagbuo nang mga kriminal?

Naku ha!

Totoo kaya ito?

Sabi nga ni dating Senator Rene Saguisag, isang kilalang human rights lawyer, “selective” o may pinipili ang estilo diumano ni Duterte sa paghahain daw ng hustisya?

Totoo kaya ito?

Hindi mapalagay ang mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, mukhang hindi natitinag ang butihing mayor kahit na tambakan pa ng reklamo hinggil sa paglabag sa karapatang pantao kahit pa ng pinaghihinalaang kriminal.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ginagamit daw ni Duterte ang Konstitusyon para diumano’y hadla­ngan ang pagkandidato ng ampon nina FPJ at Susan Roces na si Mary Grace Poe-Llamanzares na  Senador ngayon bunsod ng mahigit na 20 million boto na nakuha nito noong 2013 election.

Ibinida ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na ayon kay Duterte, hindi dapat “Kana” ang magiging  panggulo este mali pangulo pala ng Philippines my Philippines.

Bigyan ninyo siya ng isang lumad, isang magsasaka, o isang obrero bilang presidente, huwag lang daw ang isang Grace Poe na hindi alam kung tunay na Pilipino. Labag diumano ito sa Konstitusyon at presumption, o haka-haka lang ang pagiging Pilipino nito, at huwag nang ipilit pa ng mga abogado ng senadora ang paggamit ng internasyunal na mga batas at kasunduan (treaties) upang patunayan na Pilipino nga ito.

‘Hindi rin kaya paglabag sa Saligang Batas at sa umiiral na mga batas at internasyunal na mga tratado ang pagtatayo ng isang vigilante group para diumano’y likidahin ang pinaghihinalaang mga kriminal?’ tanong ng kuwagong naghurementado.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, malinaw na sinasabi ng Konstitusyon na dapat idaan sa ‘due process’ ang isang kriminal at dapat ituring itong “inosente” hangga’t hindi nahahatulan ng korte?

Sabi nga ng komentaryo ni Atty. Rene Saguisag, na lumabas sa website ng GMA-7, “Vigilantism presents its own set of problems. A looter may be looting to feed a starving family. He has a right to be heard on obeying the first law of mankind: survival.”

‘Hanga na sana tayo sa paninindigan ni Duterte, kaya lang may pagkasaliwa sa prinsipyo ng batas at karapatang pantao.’ sabi ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.

Sabi nga, nakakatakot ang ganitong uri ng pangulo dahil lang sa munting paglabag sa batas may kalalagayan agad. Baka talunin pa nito ang human rights record diumano ni dating pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., kapag nagkataon?

Abangan.

Show comments