Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
KUMAPIT KA MAN NG MAHIGPIT sa sobrang hirap bibitaw ka rin.
“Hindi ako nagsumbong nung sinabi ng amo kong papauwiin ako yun naman pala inuto lang ako para huwag magsalita kay Madam,” sabi ni Elsa nang tumawag siya sa amin mula Riyadh.
Household Service Worker (HSW) ang pinasok na trabaho sa Riyadh ni Elsa Magno. Abril 2014 nang umalis siya ng bansa sa tulong ng Mecprego International Inc.
Nung simula mababait pa raw ang kanyang mga amo pero habang tumatagal sinasaktan na siya. Ang lalaki niya namang employer ay minamanyak siya kaya nagpalipat na lang siya ng amo.
“Sinubukan kong magtiyaga para sa lima kong anak. Ang asawa ko wala ring trabaho dahil siya ang nag-aasikaso sa mga bata. Inisip kong tapusin ang dalawang taon,” salaysay ni Elsa.
Napunta siya sa among may limang anak. Lahat ng bahay ng mga ito ay pinapalinisan sa kanya araw-araw.
Sa hirap ng trabaho hiniling niya dito na ibalik na lang siya sa ahensya.
Inakala niyang dadalhin na siya sa opisina ng ahensya pero ibinenta pala siya sa ibang ahensya.
“Nagkaroon din naman ako ng pagkakamali nung nililiguan ko ang alaga ko. Kumuha ako ng shampoo tapos napihit pala ang tubig kaya biglang uminit. Walang nangyaring masama sa bata. Nagulat lang kaya umiyak,” salaysay ni Elsa.
Halos tatlong buwan pa lang siya sa Riyadh ay nakatatlong amo na rin siya. Kahit na nahihirapan itinuloy niya pa rin ang pagtatrabaho sa kagustuhang makatapos ang mga anak.
“Yung amo kong lalaki nung wala si Madam ang gusto niya masahiin ko siya. Tumanggi ako pero pinipilit naman akong hawakan ang ari niya,” salaysay ni Elsa.
Natakot si Elsa at nakiusap na uuwi na lang siya ng Pilipinas. Hindi niya alam kung anong pwedeng mangyari sa kanya sa bahay na yun.
Nangako naman ang amo na pababalikin siya ng Pilipinas pero huwag lang siyang magsusumbong sa kanyang Madam.
Nanahimik si Elsa, dumaan ang tatlong araw hindi pa rin siya pinapauwi nito. Nag-isip siya ng paraan para mapilitan ang mga itong paalisin siya.
“Nagpunta sila sa eskwelahan nun hindi na ako nagtrabaho sa bahay hanggang sa dumating sila. Nagalit si Madam pinagsasampal ako ng tsinelas at pinagsusuntok ako sa hita. Sinipa pa ako,” kwento ni Elsa.
Pinalabas siya ng kwarto at kinuha ang kanyang mga gamit. Walang itinira sa kanya. Sira na rin ang suot na damit dahil sa pinaghihila ito. Halos tatlong araw siyang hindi nakapagpalit at nakaligo.
Bigla na lang siyang pinasakay sa sasakyan at dun niya nakita ang mga gamit. Ang cellphone na hawak ni Elsa ay kinuha ng amo.
“Kinalkal daw nila ang bag ko. May nakita daw silang bracelet ng amo kong lalaki at kabiyak na hikaw ng alaga ko,” wika ni Elsa.
Ipinilit ni Elsa na wala siyang kinukuha at ginagawang masama. Nagpunta siya ng Riyadh para bigyan ng magandang buhay ang mga anak. Hinding-hindi siya gagawa ng anumang ikakapahamak niya dun.
“Nagtiis nga akong magpalipat-lipat ng amo makatapos lang ang mga anak ko. Bakit bigla na lang nila akong pagbibintangan na nagnakaw ng kung anu-anong alahas,” ayon kay Elsa.
Hindi man lang niya nakita ang mga bagay na umano’y natagpuan sa kanyang bag. Nanindigan siyang walang katotohanan ang sinasabi ng kanyang madam.
Nakiusap na siya na pauwiin na lang siya. Sagot sa kanya ng amo kailangan niyang magtrabaho ng tatlong buwan ng walang sahod bago pa siya makauwi sa sariling bansa.
“Paano naman yun ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Nag-aaral lahat ng anak ko. Hindi naman pwede ang gusto nila. Isa pa sa pinoproblema ko ay kung sino ang may hawak ng pasaporte at Iqama ko. Binenta lang kasi ako,” kwento ni Elsa.
Natatakot na si Elsa sa kanyang kalagayan dun kaya’t hiling niya matulungan sana siya sa lalong madaling panahon.
Hirap na rin siya sa palipat-lipat ng amo at kahit anong pakisama niya sa mga ito ay hindi siya nakakatagpo ng mabait na employer.
“Para akong bola na pinagpapasa-pasahan dito. Ibebenta, ibabalik at ililipat sa ibang amo. Ayoko na ng ganitong pakiramdam, sana matulungan niyo ako,” hiling ni Elsa.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, karamihan sa mga kababayan nating nagrereklamo ng pangmomolestya at pananakit ng amo ay yung mga nasa Middle East. Hindi lahat ng employer dun ay katulad ng mga naging amo ni Elsa. Pero marami sa kanila na hindi nagbibigay halaga sa kanilang mga HSW.
Tingin siguro nila sa ating mga kababayan ay gamit na kapag hindi nila gusto ay basta na lang nila ipamimigay o ipagbibili sa ibang employer.
Paulit-ulit naming sinasabi na dapat talaga ang ahensya nila ang umasikaso nito dahil sila ang nagpaalis sa mga kababayan natin.
Ang problema pagkatapos nilang makuha ang perang ibinabayad ng employer ay parang putol na rin ang kanilang ugnayan sa isa’t-isa.
Agad kaming nakipag-usap sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis at ibinigay namin lahat ng detalye tungkol sa problema ni Elsa.
Nakipag-ugnayan naman si Usec. Seguis sa embahada natin sa kay Consul General Redentor Genotiva.
Nangako sila na aasistehan nila si Elsa. Anumang bagong balita tungkol sa problemang ito ay agad naming ipagbibigay alam.
Sinusubukan naming i-follow up kay Usec. Seguis dahil siya ang naatasan na maging Officer-In-Charge (OIC) ng DFA kaya medyo naantala ng konti ang aksyon sa kasong ito. Pero siniguro niya naman na kumikilos ang kanyang mga staff para maresolba ito.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong mag-text sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong makausap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.