MAY napansin ang guro sa mga elepante na isasali sa circus. Lahat nang mga dambuhala ay may maikli’t manipis na tali sa isang harap na paa. Hindi sila naka-rehas pero miski i-kadena sila, tiyak ang guro, madali nila itong makakalag, at makakatakas kelan man naisin. Pero nakapagtataka, bakit hindi nila ito tinatangka?
Nilapitan ng guro ang trainer ng mga elepante para tanungin kung bakit gan’un sila kaamo, tahimik lang na nakatayo bagamat likas na mabangis. “Kasi,” anang trainer, “nu’ng kasisilang at kabibihag pa lang sa kanila, tinalian na sila ng manipis at magaan na pisi, tulad ng nakatali sa paa nila ngayon. Napigilan na sila, hindi na kinailangan nang malaking lubid. Habang lumalaki sila, tumanim sa isip nila na hindi nila kayang patirin ang pisi para tumakas. Miski hindi namin sila ikadena ngayon, inaakala pa rin nila na hindi nila malalagot ang tali para tumakas.”
Aral: Nasa isip lang ang kadena kontra sa tagumpay sa buhay.
* * *
Nadulas at nahulog ang donkey sa malalim na bangin. Hindi kaya ng may-aring magbubukid na iahon ito para mailigtas sa dahan-dahang pagkagutom. Sa awa ng amo sa alaga, pinasya niya na ilibing na lang ito nang buhay, para hindi na mahirapan pa. Dali-dali niya pinala ang lupa pabagsak sa bangin.
Samantala, sa ilalim ng bangin, bumabagsak ang lupa sa likod ng donkey. Sa bawat bagsak ng lupa, kinakalog niya ang likod, para maipagpag ang lupa. At sa bawat pagpag, tumataas ang lupa at tinutuntungan ito ng donkey. Patuloy ang pagpala ng magbubukid sa lupa, at patuloy ang pagpagpag nito ng donkey mula sa likod. Hindi naglaon, tumaas ang pinagpag na lupa hanggang sa bunganga ng bangin, at madaling lumundag ang donkey para manginain sa damuhan.
Aral: Gawing leksiyon ang mga pagsubok para umangat sa buhay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).