GRABE na ang mga pagkukulang at pagwawalambahala ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa mga serbisyong dapat ay matanggap ng taumbayan. Sa lahat nang tanggapan ng gobyerno, ito ang may pinakamaraming pagkukulang at masyadong taliwas sa pinangangalandakang “tuwid na daan” ng administrasyon. Masyadong iresponsable ang tanggapang pinamumunuan ni Secretary Joseph Abaya. Baluktot na daan ang kanilang tinutungo.
Sa ginawang hearing ng Senado noong Lunes, tahasang sinabi ni Sen. Grace Poe na dapat nang magkaroon ng bagong pinuno ang DOTC para naman makatikim nang tamang serbisyo ang mamamayan. Panahon na para magkaroon ng pagbabago sa DOTC. Maski si Sen. Chiz Escudero ay nagsabi na dapat nang sibakin ni President Noynoy Aquino si Abaya. Kahihiyan umano ng pamahalaan si Abaya.
Subalit walang mangyayari sa panawagang mag-resign o sibakin si Abaya sapagkat kaalyado ito ng Presidente. Maski ang mga “boss” na ni Aquino ang magsabing sibakin si Abaya ay hindi rin ito mangyayari. Masasayang lamang ang laway sa panawagang alisin na ang DOTC secretary sa puwesto.
Matagal nang nagtitiis ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) sa halos araw-araw na aberya. Ngayong linggong ito, dalawang beses tumirik. Pangako ni Abaya, sa 2016 daw ay wala nang problema sa MRT. Pero marami ang nagdududa kay Abaya.
Problema rin ang kawalan ng plaka at driver’s license sa Land Transportation Office (LTO) na sakop pa rin ni Abaya. Hindi makadeliber ng mga plaka at lisensiya ang LTO. Ngayon lang ito nangyari.
At ang nakakahiya ay ang “tanim-bala” sa NAIA na nasa ilalim pa rin ng tanggapan ni Abaya. Maraming OFW, balikbayan at turista ang nabiktima ng “tanim-bala” subalit walang makitang malasakit si Abaya. Isolated case raw ang nangyayari. Kakaunti lamang daw ito.
Dapat na ngang magkaroon ng bagong pinuno ang DOTC para makalasap nang tama at sapat na serbisyo ang mamamayan. Kailangan ay responsableng pinuno at may pakiramdam.