Moderasyon ang susi

AYON sa isang ulat na inilabas ng World Health Organization (WHO), ang mga karne na niluto na at nilagay sa lata, pati na rin ng mga pagkain tulad ng bacon, hotdog at ham, ay puwedeng maging sanhi ng cancer. Ang salarin ay ang nitrates na ginagamit sa mga karne bilang preservative, para hindi nasisira nang mabilis. Kilala ang nitrates na masama sa katawan at nagdudulot ng cancer base sa mga eksperimento. Ayon sa WHO, pareho lang daw ang epekto ng nitrates sa katawan tulad ng tabako at asbestos, mga kilala ring sanhi ng cancer.

Pero ayon naman kay Dr. Mark Kho, surgical oncologist sa PGH, hindi dahil kumakain ka ng mga processed meats tulad ng bacon, hotdog at ham ay mas mataas kaagad ang posibilidad na magkakaroon ka ng cancer. Tataas ang posibilidad, oo, pero hindi rin katiyakang magaganap ito. Maraming dahilan para magkaroon ng cancer ang isang tao. Ang edad, ang kasarian, kung positibo ang cancer sa pamilya, kung naninigarilyo, ang uri ng trabaho, kung walang ehersisyo at pagkain.

Halos lahat naman ay sinasabing puwedeng maging dahilan ng cancer. Natatandaan ko noon ay naging malaking isyu ang madalas na paggamit ng cell phone, na ayon sa iba ay puwedeng maging sanhi ng cancer sa utak dahil sa microwaves. Ewan ko pero pinatunayan na ba na puwedeng sanhi nga ito ng cancer sa utak? Wala pa yata akong naririnig na kasong ganyan. Dapat sinasala rin ang mga impormasyon na ganyan, kung tunay na may basehan o wala.

Ang importante ay moderasyon. Masama naman talaga ang kumain ng delatang karne o mga bacon, hotdog at ham araw-araw o dalawang beses pa nga sa isang araw. Bukod sa pagtaas ng posibilidad na magkaroon ng cancer, andiyan din ang problema sa puso at altapresyon, na kasing delikado rin tulad ng cancer­. Mahalaga rin ang palakasin ang resistensiya ng katawan sa pamamagitan ng ehersisyo at pag-inom ng mga supplements na may tunay na benepisyo sa katawan. Kung naninigarilyo, itigil na at pinahihina lang ng tabako ang resistensiya ng tao. Mga anti-oxidants at ang tinatawag na good cholesterol o HDL, halimbawa. Mamuhay ng malusog. Ito pa rin ang pinakamagandang panlaban sa mga sakit, tulad ng cancer.

Show comments