NANANATILING matatag at aktibo ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP), ang partidong politikal na itinatag ni dating Presidente at kasalukuyang Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada na nagtataguyod ng kapakanan ng mga mahihirap at masang Pilipino.
Patuloy ang pagdagsa ng mga lingkod bayan, mga bagong miyembro at volunteers sa opisina ng PMP upang maging bahagi ng partidong ito. Nito lamang panahon ng pagsusumite ng certificates of candidacy (COC) sa Commission on Elections ay maraming opisyal, lalo na mula sa lokal na pamahalaan, ang humingi ng basbas at pag-endorso ng PMP at ni Senador Jinggoy Estrada na tumatayong presidente nito, sa kanilang pagtakbo sa darating na halalan.
Matatandaan na noong mga nakaraang halalan, matagumpay na inilunsad at naipanalo ng partido ang kandidatura ni Mayor Erap sa pagka-bise presidente noong 1992 at sa pagka-presidente noong 1998. Noong 2004 ay nakipag-alyansa ito sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) at Partido Demokratiko ng Pilipinas-Lakas Bayan (PDP-LABAN) upang buuin ang Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) upang suportahan ang kandidatura sa pagka-presidente ni Fernando Poe, Jr. Noong 2010 naman ay itinulak nito ang kandidatura ni Mayor Erap sa pagka-presidente kung saan nakatanggap siya ng 9.4 milyong boto.
Hindi lamang taga-Metro Manila ang nagsasadya sa kanilang tanggapan, marami rin ang bumiyahe pa mula sa mga probinsya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ay patunay na marami ang naniniwala at sumusuporta sa adhikain at kakayahan ng PMP na paglingkuran ang interes ng masang Pilipino. Ika nga ni Jinggoy, ang PMP ang katangi-tanging partidong politikal na nagsusulong ng tunay na plataporma para sa mas nakakaraming Pilipino ? ang masang Pilipino.
Mula nang itatag ito at naging ganap na political party noong 1991 (nakilala noon bilang “Partido ng Masang Pilipino”), layunin ng PMP na bigyan ng boses ang mga mahihirap at bigyang prayoridad ang mga programang direktang magbibigay benepisyo sa mga maralitang taga-lungsod, mga magsasakang walang sariling lupa, mga mangingisda, mga guro, overseas Filipino workers, mga walang trabaho at mga indigenous people (IPs).
Dagdag ni Jinggoy, ang anumang kaunlarang natatamasa ng bansa ay dapat na nararamdaman at napapakinabangan ng mga mahihirap na kababayan.