KAMAKAILAN lang nakasawsaw si Liberal Party presidential bet Mar Roxas sa linya ng administrasyon na hindi dapat bawasan ang buwis na binabayaran ng taumbayan. Pero biglang naging pabor na siya ngayon sa bawas-buwis. Maganda sana ang pahayag na ito ni Roxas kung sinsero ang hangaring at hindi lang pampataas ng approval rating. Halos lahat kasi ng katunggali niya sa presidency gaya nina Grace Poe at Binay ay may advocacy sa pagbabawas ng buwis.
Pero sa policy ng administrasyong Aquino, masama sa ekonomiya ang bawas sa buwis. Kesyo masisira ang ating credit rating. Pero ngayon ay kontra-pelo na sina P-Noy at bata niyang si Mar. Mahirap paniwalaan ito. Iisipin ng tao na ang pahayag ni Mar ay isa lang “campaign pitch” o pangakong mapapako kapag nahalal na siya sa puwesto,
Kailangan marahil, pati si P-Noy ay sumakay na sa linyang dapat ibaba ang buwis para maging kapanipaniwala ang sinabi ni Roxas. Otherwise, iisipin ng taumbayan na gumagaya lang siya sa ibang kandidato na pabor sa pagbawas ng buwis.
Sabi nga ni Mang Gustin na barbero ko, baka natanto ni Mar na nahihigitan siya ng kanyang mga katunggali sa eleksyon na gustong bawasan ang tax. Sabi nga ni Sen. Chiz Escudero, independent vice presidential candidate sa 2016 election, matagal nang dapat binawasan ang tax na binabayaran ng mamamayan. Kasi nga naman, masyadong unfair. Yung mga manggagawa ay binabawasan agad ng mga employer ang tax na dapat bayaran samantalang yung mga mayayamang negosyante ay puwedeng mandaya.
Marami nang sumunod sa pananaw na ito ni Sen.Escuudero. sensitibo ang isyu sa buwis. Ang ano mang balak na taasan ito ay hindi maiibigan ng mamamayan. Mantakin mo naman, 32 porsiyento ang income tax na agarang kinakaltas sa mga manggagawa. At lahat ng taxpayer ay mga botante.
Dapat habang hinahatak palapit ang halalan, maging bocal na ang mga mamamayan at iparating ang saloobin sa mga kumakandidato.
Maraming dapat habulin si Mar dahil hangga ngayon ay pangatlo lang siya batay sa latest survey ng Social Weather Station noong September.