ILAGAY MO ANG ISANG TAO sa isang lugar na apat na sulok lang ng dingding ang nakikita araw-araw, maka-alpas lang sa kahon na yun, lalayo para magliwaliw at baka hindi na makabalik sa dati niyang kinalalagyan.
“Halos isang buwan niya pa lang kakilala ang nagdala sa kanya. May nakapagsabi na parang sinadya talaga siyang iwanan,” sabi ni Jeffrey.
Kapatid ng asawa ni Jeffrey Bellosillo ang bente singko anyos na si Maricar Resco. Batang isip ito para sa edad niya.
Ika-20 ng Oktubre 2015 alas otso ng gabi nang maiwang mag-isa sa kanilang bahay si Maricar dahil magtitinda ng balot ang kanyang mga magulang.
Hindi naman sila gaanong nag-aalala dahil magkakalapit lang naman ang bahay nila ng iba niya pang kapatid. Pagbalik ng mga ito wala na ito sa bahay.
“Hinanap namin siya. Nagtanung-tanong kami hanggang sa may makausap kaming tricycle driver na nakakitang kasama siya nung bago niyang kaibigan,” salaysay ni Jeffrey.
Bago lang daw sa kanilang lugar sa Mandaluyong ang labing pitong taong gulang na kaibigan ni Maricar na itatago namin sa pangalang ‘Hazel’.
Lumapit sila sa barangay upang humingi ng tulong na makausap si Hazel. Itinanggi nitong isinama niya si Maricar.
Naglibot sa iba’t ibang lugar sina Jeffrey at sinuyod ang bawat sulok ng kanilang lugar. Hindi nila nakita si Maricar.
Kinabukasan bandang alas tres ng hapon saka lang umamin si Hazel na kasama niya nga ito nung nagdaang araw. Nagpunta daw sila sa Guadalupe.
“Paiba-iba ang sinasabi niya. Nagpumilit daw sumama sa kanya si Maricar. Pero kalaunan inamin niya din na isinama niya. Nagpunta daw sila ng Guadalupe at pumasok sa isang kainan para umihi,” kwento ni Jeffrey.
Humingi daw ng pambili kay Hazel ng laruan nang hindi ito magbigay bigla na lang daw itong tumakbo papalayo.
Hindi man lang daw hinanap ni Hazel si Maricar o sinabi man lang sa isang kamag-anak na malapit lang daw sa lugar ng pinangyarihan.
Inisip nilang nasabik itong si Maricar na sumama dahil wala itong ibang nakikita kundi ang kanilang bahay.
Nag-imbestiga sila sa paligid at nakita nila sa CCTV nang nasabing kainan na pumunta nga dun ang dalawa bandang 8:55 ng gabi.
“Inaalala namin hindi kasi marunong magsulat at magbasa si Maricar. Hindi din kasi nakakalabas ng bahay,” ayon kay Jeffrey.
Kahit ang pagsakay ng dyip at pag-uwi mag-isa ay hindi nito kaya iniisip nila kung nasaan na ba ito.
Sumasama din ang loob nila kay Hazel dahil hindi man lang daw nito hinanap si Maricar at umuwi na lang.
Sa kalagayan ni Maricar hindi na nila ito napag-aral dahil wala silang sapat na pera. Pang-apat sa anim na magkakapatid si Maricar.
Nagpunta na din sila sa istasyon ng pulis para magpa-blotter pati na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagpakalat na din sila ng mga litrato ni Maricar ngunit hindi pa din nila ito nahahanap.
“Araw-araw kaming nagpupunta sa istasyon ng pulis pati na din sa Center for Mental Health. Wala din kaming nakukuhang impormasyon,” wika ni Jeffrey.
Hindi naman daw nakikipagtulungan sa kanila si Hazel maging ang tiyahin nito. Nasa Masbate kasi ang mga magulang nito kaya’t tiyahin niya ang gumagabay sa kanya.
Wala namang nakaaway sa lugar si Maricar. Palakaibigan ito at malapit sa bata man o matanda.
Itim na t-shirt at short na stripes na green ang huling suot nito nang mawala.
Ang inaalala din nila baka may ibang kumuha dito, hiling nila sana ay may kumupkop dito pansamantala.
Nais humingi ng tulong ni Jeffrey kung ano ang kailangan pa nilang gawin para mahanap si Maricar.
Hindi naman nila maireklamo si Hazel dahil menor de edad ito. Hindi naman daw tumutulong ang tiyahin nito para mahanap si Maricar. May balita ding nakarating sa kanila na balak ng umalis ng mga ito sa kanilang lugar.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi mo maaasahan si Hazel o masisisi dahil menor de edad siya, sa batas wala siyang ‘criminal liability’ at paano niya naman mahahabol ang bente singko anyos na wala sa tamang pag-iisip na kadalasan meron silang lakas.
Madalas nating sabihan ang mga bata na huwag basta sasama sa ibang tao lalo na kapag hindi mo ito kakilala. Sa kasong ito dapat itong si Hazel ay hindi na naglakas ng loob na dalhin itong si Maricar dahil alam naman niya ang kundisyon ng dalaga.
Kailangan nina Jeffrey ng dobleng tiyaga sa paghahanap. Isa-isahin nila ang presinto malapit sa Guadalupe at ipagtanong baka sakaling may dinala doong nawawalang bata.
Sa National Center of Mental Health naman hindi sapat na magtatanong lang sila at magbibigay ng litrato kung naroon ba ang isang tao.
Sa kondisyon ni Maricar hindi siya marunong magsulat o magbasa, hindi siya nabibigyan ng ‘tamang record’ dahil kadalasan ang mga namamahala dun ay binabansagan ng ibang pangalan para madaling tawagin.
Kailangan nilang isa-isahin ang bawat selda dun baka sakaling naroon si Maricar.
Kung ganito ang kalagayan ni Maricar ang mga kamag-anak niya ay dapat inihabilin siya sa isang kakilala na hindi siya pababayaan.
Pinapunta namin sila sa tanggapan ni Mayor Benjamin Abalos at ang kanyang tauhan na si Mr. Jimmy Isidro ang maaring magtanong sa bawat barangay kung meron silang nakitang babae tulad ng nasa litrato sa itaas.
Kadalasan naman kasi, sa Mandaluyong ang lahat ng barangay na nakakatagpo ng ganitong babae na gagala-gala ay kinukupkop muna at kapag walang kamag-anak na lumapit para kunin, at merong kakulangan sa pag-iisip, ini-endorso sa National Center for Mental Health.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Sa lahat ng nakakita o nakakaalam sa kinaroroonan ng nasa litrato makipag-ugnayan lamang sa amin o tumawag sa mga numero sa itaas.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618