IDINIDEPENSA ngayon ng Department of Budget and Management (DBM) ang negatibong persepsyon ng publiko sa gobyerno.
Hindi raw patas at katanggap-tanggap ang kaliwa’t kanang pagtutuligsa ng taumbayan kung papaano iniri-release ang bilyones na pondo. Bulag daw ang tao sa buong larawan ng mga nangyayari sa pamahalaan.
Ayon kay Budget Secretary Butch Abad, hindi daw sila nagtitipid o underspending bagkus sadyang binabagalan at inoobliga lang na patagalin ang paglabas ng pondo o slow spending.
Ganito ang prinsipyo at espiritu ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara nang ilegal o unconstitutional ng Korte Suprema.
Dalawang bagay lang kung bakit may underspen-ding at slow spending sa ahensya.
Underspending ibig sabihin, pilit tinatapyasan at hinihigpitan ang kanilang sinturon para makakamal ng sapilitangsavings na gagamitin sa ibang proyekto na hindi sang-ayon at wala sa sistema ng Saligang Batas.
Slow spending, kilos-suso o sadyang binabagalan ang release dahil ang makikinabang sa milyones na pondo, hindi nila manok o hindi kapartido.
Ilang buwan na lang, matatapos na ang termino ng administrasyong Aquino, wala pa ring nakikita at nararamdamang imprastruktura ang publiko bagkus ang natatamasa, puro kalbaryo.
Maraming proyekto ang naantala sa iba’t ibang ahensya. Sa ilalim lang ng Department of Transportation and Communications (DOTC) marami pang hindi nasisimulan tulad ng mga tulay, daan, airport, seaport at mass transportdahil ang mga nakaupo, kuwestiyunable ang integridad.
Ang mga natalong bidder sa mga malalaking proyekto, tumatakbo sa korte para kumuha ng temporary restraining order (TRO) dahil pakiramdam nila hindi naging patas ang laban at may pinaboran ang mga nasa likod ng bidding process. Ang resulta, publiko ang napiperwisyo.
Kaya kahit na anong klaseng pagpapapawis pa sa pagdedepensa at pagpapaliwanag ang gawin ng DBM, lalo lang itong nagpapakita ng kapalpakan at kapabayaan ng gobyerno.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.