Palugit ng SSS
MABUTI naman at naging maunawain ang Social Security System sa mga kasaping OFWs na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pinalugitan at binigyan ng 35 calendar days ang isang OFW para mag-file sa opisina ng SSS sa ibang bansa na sila ay nagkasakit.
Ang palugit na 35 calendar days para ipaalam sa SSS na sila ay maysakit pero hindi kailangang magpaospital ay bilang konsiderasyon sa limitadong oras ng isang OFW para sa kanyang sarili.
Ikinonsidera rin ng SSS na sa ibang bansa ay karaniwang malayo ang opisina ng SSS sa pinagtatrabahuhan ng kasapi.
Bukod sa malayo ang opisina ng SSS sa kanilang jobsite hindi agad makaalis sa kanilang employer ang ating mga kababayan dahil hindi sila pinapayagan ng kanilang mga amo na lumiban sa trabaho.
Sanay ako sa hindi magandang asal ng ibang Arabo dahil naging ambassador ako ng ating bansa sa UAE.
Sa kultura ng mga Arabo ang tingin nila sa kanilang empleyado, lalo na kung domestic helper ay alipin. Kanilang pag-aari at magagawa nila ang lahat ng kanilang gusto. Kaya bihira silang pinapayagang lumabas ng bahay kahit sabihin pang may karapatan silang magkaroon ng dayoff.
Kung payagan man silang lumabas ng bahay ay baka minsan lamang sa isang buwan para magpadala ng pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Salamat at nauunawaan ng SSS ang hirap ng kalagayan ng ating mga OFW lalo na sa Gitnang Silangan, dahil nga sa mga problemang kinakaharap doon ng ating mga manggagawa.
Ngayong kalagitnaan ng 2015 ang SSS ay mayroong 1.07 milyon na kasaping OFW. Malaking bagay sa kanila ang palugit na 35 calendar days para mag-file ang kasapi sa SSS na sila ay may karamdaman.
Mahalaga ito para makuha nila ang benepisyong kaloob ng SSS sa lahat ng mga kasaping nagkakasakit.
- Latest