“Sa ngalan ng pamilya”
HINDI LAHAT NG NAGTRATRABAHO sa ibang bansa mariwasa at maligaya sa kinalalagyan nila. Marami d’yan ay tahimik na dumaranas ng hirap subalit tiniis na lamang hangga’t kaya.
“Nakulong daw ang anak ko. Wala na kaming ibang alam na impormasyon maliban dun. Para kaming nangangapa sa dilim,” ayon kay Luis.
Nakatira sa Pangasinan sina Luis Fernandez, ama ng OFW na si Johnson Fernandez. ‘Service Crew’ sa Mars Int’l LCC Muscat, Oman si Johnson.
‘May nakaaway ho si Johnson. Ilang oras lang dinampot na siya ng mga pulis.’
Ito ang natanggap na mensahe nina Luis mula sa kasamahan sa trabaho na isang Pinay.
Dali-daling tinawagan ni Luis ang anak para makumpirma kung may katotohanan ba ang balitang ito. Hindi na nila ito makontak kaya’t lalo silang kinabahan.
Gumawa sila ng paraan para magkaroon ng kumpirmasyon ang balitang umabot sa kanila. Natuklasan nila na ang pinag-ugatan ng problemang ito ay ang presyo lang ng ‘cake’ sa pinagtatrabahuan kainan.
“Dalawang customer ang nakasigawan niya. Yung isa ay Indian National. Ang presyo ng cake ay 5 Saudi Riyals pero ang pagkakaintindi nila 2 Saudi Riyals,” pahayag ni Luis.
Dumating pa sa puntong nagkasumbatan ang dalawang panig. Hindi sila tumigil kaya’t dinampot na ng pulis.
Nangyari raw ito noong ika-12 ng Oktubre 2015. Wala nang mapagtanungan sina Luis para sa karagdagang impormasyon kaya’t nagsadya sila sa ahensiyang nagpaalis dito noong Hulyo 20, 2012.
“Androme Recruitment Agency ang ahensiya niya. Sabi nila hindi na raw nila hawak ang anak ko,” wika ni Luis.
Tatlong taon na si Johnson na nagtatrabaho sa Oman. Umuwi na daw ito ng Pilipinas nang matapos ang dalawang taong kontrata. Nung bumalik ito noong Enero 2015 ay direct hire na raw ito.
‘Balik Manggagawa’ na raw ito kaya’t tapos na ang kanilang kontrata dun sa ahensiya kaya hindi na nila ito matutulungan.
“Araw-araw naming sinusubukang tawagan ang anak ko pero talagang hindi sumasagot. Mukhang kinuha na rin pati ang kanyang cellphone. Makausap man lang sana namin para makumusta ang kalagayan niya,” salaysay ni Luis.
Ayon pa kay Luis binata pa ang kanyang anak at mabait na bata ito. Nung nandito pa sa Pilipinas si Johnson nagtrabaho ito sa mga ‘fast food chain’ bilang service crew.
Dalawang daan lang bawat araw ang sinasahod niya dahil sa Pangasinan pa ito. Walong oras ang duty at kulang pa raw pangkain sa isang araw.
“Sa liit ng sweldo niya rito naghanap siya ng ahensiyang tutulong sa kanya para makapagtrabaho sa ibang bansa,” kwento ni Luis.
Sa Malate, Manila niya natagpuan ang Androme Recruitment Agency. Kung anong trabaho ang gamay niya yun ang inapplayan.
Maayos ang naging trabaho dun at nakabalik pa pero dahil lang sa presyo sa kulungan ang kinabagsakan ni Johnson.
“Hindi namin alam kung saan kami lalapit. Nabasa namin ang pitak niyo sa dyaryo at sinubukan namin kayong kontakin,” sabi ni Luis.
Isa pang problema ng kababayan natin na nasa Saudi naman ang inilapit ni Blademir Dacuno.
Ang asawa niyang si Noemi ay hindi raw sinasahuran ng maayos doon. Nakalagay sa kontrata 1,500 Riyals dapat ang magiging sweldo ni Noemi sa pagiging Household Service Worker (HSW).
“Ang sinasahod niya lang 700 Riyals. Mahigit kalahati ang nawawala,” ayon kay Blademir.
Umalis ng bansa si Noemi nung Oktubre 23, 2014 at ang tumulong dito ay ang MMD Global Manpower Agency sa Ermita, Manila.
Hindi naman daw ito sinasaktan pero laging nasisigawan ng amo. Tinitiis ni Noemi ang pagbubunganga ng amo dahil trabaho ang hanap niya.
Sa nangyaring ito nagreklamo na sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sina Blademir.
Kung ganito lang raw ang kinikita gusto na lang nilang umuwi si Noemi at dito na lamang sa Pinas magtrabaho.
“May nag-aasikaso daw sa kanila na ang pangalan ay Evelyn sabi niya magpunta daw kami sa agency at pumirma kami ng waiver na gusto na namin silang mapauwi. Kasama niya rin ang kumare ko dun,” salaysay ni Blademir.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa unang kasong itinampok namin hindi na mahihingan ng tulong ang ahensiya dahil tapos na ang kontrata ni Johnson dun.
Kahit ganito na ang kalagayan sana’y nagbigay man lang ng numero ng employer itong ahensiya para matawagan ng pamilya at masiguro ang kung ano nga ba ang nangyari dito sa kanyang anak.
Para lubusan silang matulungan nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang makahingi ng impormasyon sa ating embahada sa Oman.
Ang tungkol naman sa nangyari kay Noemi, kung matatandaan ninyo sa nakaraan naming pitak ay nabanggit na namin ang tungkol sa pagbabawas sa sahod ng ating mga OFW.
Dapat maging alisto at tingnan kung ang nakalagay sa kontrata ay pareho sa sweldo na nakasaad sa uri ng trabaho.
Huwag kayong papayag na papirmahin kayo sa mas mababang sweldo dahil sa kanila lang mapupunta ito.
Kung baga parang may ATM sila sa bawat pinapa-alis nilang mga OFW’s.
Humingi na kami ng tulong kay Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para maipatawag at maaksyonan at kung may batayan ay madisiplina ang ahensiya ni Noemi.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7104038
- Latest