PAPAALIS na nga lamang sa Malacañang si President Aquino ay ipinagdamot pa niya ang kaunting kaluwagan na matatamasa ng working class sa ating sosyedad.
Tinanggihan ni Aquino ang panukalang batas na bawasan ang buwis na sinisingil ng gobyerno sa mga manggagawa. Halimbawa ang mga kumikita ng P20,000 hanggang P70,000 sa isang buwan ay babawasan lamang ng 10% sa halip na 15%. Ang kumikita naman ng mahigit P1 milyon sa isang taon ay 25% ang kukuning tax sa halip na 32%.
Hindi ba alam ni Aquino na nagkakandakuba na ang middle class dahil sa taas ng buwis na binabayaran?
Sa buong Southeast Asia pinakamataas ang Pilipinas na may 32% income tax rate. Sa Brunei ay 0%; Sa Singapore ay 0% sa unang $20,000; Malaysia, 10%; Vietnam, 20%; Cambodia, 20%; at Laos, 25%.
Pinakamataas ang tax sa atin at pinakamataas din ang bilihin. Maliit ang suweldo, mataas ang buwis. Mahal ang bilihin. Resulta? Marami ang nagugutom. Marami ang hindi kuntento sa pamamalakad sa gobyerno.
Ayon sa ulat, 23 milyong Pilipino ang kumikita ngunit 5.6 milyon lamang ang nagbabayad ng buwis. Ang iba ay exempted dahil minimum wage earners at ang iba ay talagang hindi nagbabayad ng buwis.
Tanging ang mga sumasahod tuwing 15 at 30 ang nagbabayad ng buwis dahil binabawas na ito sa kanilang suweldo. Kaya ang suma-tutal 18% lamang ng working population ang nagbabayad ng buwis samantalang ang iba ay patuloy na pabigat sa gobyerno.
Sinabi nina Finance Secretary Cesar Purisima at BIR Commissioner Kim Henares na hindi ito ang tamang panahon para babaan ang income tax system.
May pagkasadista ang dalawang ito. Kailan pa kaya ang tamang panahon? Kung dilat na ang mga mata nang marami dahil sa gutom?