LAHAT nang mga Pinoy na nasa tamang edad ay maaaring mag-file ng kandidatura sa anumang posisyon na gustuhin nila. Kaya naman samdamukal ngayon ang nag-file ng cerficate of candidacy (CoC) para presidente. Nagmistulang katatawanan ang ibang kandidato dahil sari-saring dahilan ang sinabi kung bakit tumakbo: May nagsabing sugo siya ng Diyos. May nagsabing siya si Lucifer. At may nagsabing siya ang lalaban sa mga Anti-Kristo.
Dapat makagawa ng batas na magbabawal sa mga “nakikigulo” na magpa-file ng CoC. Sayang lang ang oras sa kanila dahil wala namang kawawaan ang kanilang sinasabi. Hindi nila iginagalang ang kasagraduhan ng pagpapa-file ng kandidatura.
Isa pang dapat ipagbawal ng Comelec ay ang pagtakbo ng mga kandidatong may mabibigat na kaso. Hindi na sila dapat hinahayaang makapag-file ng CoC.
Maraming kandidato na ang nakatakbo sa election kahit na kaliwa’t kanan ang nakasampang kaso. Nabulag sa kanila ang mamamayan kaya naman maraming nagsisisi kung bakit ang kandidato pang iyon ang napili gayung may masama palang record. Kung alam lamang daw nila na may nakabimbin na mga kaso ang kandidatong ibinoto, hindi nila ginawa iyon. Nasa huli raw ang pagsisisi.
Gaya na lamang ng isang dating public official na naakusahang nangikil ng $30 milyon sa isang ambassador kapalit ay ang kontrata sa pinamumunuang ahensiya. Bukod sa pangingikil, inakusahan din ang dating opisyal nang pagpabor sa isang deal kung saan kamag-anak niya ang sangkot. Tatakbo sa party-list group ang opisyal.
Maraming dapat mabago sa sistema nang pagpa-file ng CoC ng mga may balak maglingkod (kuno) sa bayan. Hindi lahat ay may hangaring maglingkod sa mamamayan kundi nakikigulo lang. May mga nagpa-file na mayroon palang mabigat na kaso. Hindi dapat hayaang makapag-file ang mga taong ito. Dapat makagawa na ng batas para hindi na sila makasungaw sa mga Comelec offices.