MALI ang Second Mamasapano Report ni Justice Sec. Leila de Lima batay sa imbestigasyon ng NBI at National Prosecution Service, giit ng sources sa PNP. Hindi naman daw kinapanayam man lang ng NBI/NPS ang officers ng 84th Special Action Company (Seaborne) na napalaban sa Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Mamasapano, Maguindanao, nu’ng Enero 25, 2015. Kaya nagtataka ang PNP insiders kung bakit nagpasya si de Lima na, kesyo dahil walang testigo, wala ring mahahablang salarin sa pagpatay sa siyam na Seaborne at pagkasugat sa bala at mortar ng 13 pa. Bilang mga pulis, alam ng sources na ang pangunahing mga testigo sa anomang krimen ay ang mga biktima. At malinaw na biktima rito ang mga taga-Seaborne.
Atubili magsalita sa media ang field officers ng Special Action Force. Maari kasi makompromiso ang depensa ng walo sa kanila laban sa habla ng Ombudsman ng neglect of duty. Pero nagsasalita ang mga kapwa-PNP nila, at ilang mga kamag-anak. Kaya lumalabas ang ngitngit ng lahat sa kawalan ng Hustisya para sa mga inatakeng alagad ng batas.
Hinabla ang walong officers dahil mismo sa pagkamatay ng SAF-44, na binubuo ng siyam na Seaborne at 35 pang commandos ng 55th SAC. Ang mga sinakdal ay sina: Chief Supt. Noli Taliño; Sr. Supts. Richard dela Rosa, Edgar Monsalve, Abraham Abayari, Raymund Train, Michael John Mangahis, Rey Ariño; at Sr. Insp. Recaredo Marasigan.
Si Train ang hepe ng Seaborne. Pinamunuan niya sila sa matapang na pagpasok sa kuta ng MILF/BIFF sa Bgy. Pidsandawan para i-neutralize si international terrorist Marwan, at sa pakikibakbakan sa ambushers habang papaalis. May local guides sila. At alam nila kung ano mismong encampments ng MILF/BIFF ang nadaanan nila at saang sitio sila in-ambush.
Saad lahat ‘yan sa official reports ng PNP Board of Inquiry at ng House of Representatives. Kaya bakit iba ang alam ni De Lima?