EDITORYAL - Hamon sa bagong MMDA chief
MAY bago nang Officer-in-Charge ang Metro Manila Development Authority (MMDA), siya ay si Emerson Carlos. Itinalaga siya ni President Noynoy Aquino kasunod nang pagbibitiw ni Chairman Francis Tolentino. Nagbitiw si Tolentino sa MMDA makaraang mag-sorry sa nangyaring kontrobersiya sa Sta. Cruz, Laguna noong nakaraang linggo kung saan may event ang Liberal Party. Humingi ng paumanhin si Tolentino sa mga kababaihang nasaktan dahil sa ipinamalas na sayaw ng Playgirls sa isang programa roon. Nag-perform ang Playgirls makaraan ang induction ng mga miyembro ng LP at selebrasyon na rin ng kaarawan ng isang kongresista. Nalaswaan ang mga nakapanood sa ginawang games sa stage kung saan, nakahiga ang mga lalaki at nasa ibabaw ang miyembro ng Playgirls. Sabi ni Tolentino, dapat daw pinigil niya ang ginagawa ng mga performers. Pagkatapos mag-sorry, hiniling ni Tolentino na alisin ang pangalan niya sa listahan ng LP.
Marami rin namang nagawang pagbabago sa MMDA. Marami siyang sinubukang paraan para mapaluwag ang trapik partikular sa EDSA kaya lamang hindi naging epektibo. Sinubukan niya odd-even scheme at sinikap buhayin ang ferry system. Sinubukan din niya ang paglalagay ng centralized bus terminal at kailan lang iminungkahi niyang ibalik ang double-decker bus sa EDSA. Marami rin siyang naiambag para sa kaunlaran ng Metro Manila at sa aming paniwala, magugunita siya sa mga nagawa bilang pinuno ng MMDA sa loob ng anim na taon..
Malaking responsibilidad ang nakaatang kay OIC Carlos ngayon lalo pa’t nalalapit na ang Asia-Pacific Economic Cooperation summit na gagawin sa Maynila sa susunod na buwan. Malaking papel ang gagampanan ng MMDA sa APEC kaya dapat maging handa si Chairman Carlos. Ipakita niya na kaya niyang gampanan at mahigitan ang nagawa ni Tolentino sa MMDA. Ipagpatuloy niya ang mga nasimulan ni Tolentino. Mas mabuti rin kung makakaisip siya ng paraan kung paano masosolusyunan ang trapik sa Metro Manila. Kalbaryo ang trapik sa Metro Manila na batay sa pag-aaral, bilyong piso ang nawawala at dahilan din para umatras ang investors. Mabigat ang nakaatang sa balikat ng bagong MMDA chief at sana magampanan niya nang maayos.
- Latest