MUKHANG hindi nakakasiguro si MMDA chairman Francis Tolentino na makakalusot sa senatorial race kung babasihan ang sumbong ng kanyang mga tauhan. Kasi nga sa halip na umaksiyon ito sa paggigisa sa kanya ng isang Atty. Tara, aba’y mukhang ang binalingan naman ngayon ay ang kanyang mga loyal na kababayan enforcers. Nabulag na talaga si Tolentino ni Tara dahil kung nagsagawa ito ng imbestigasyon tiyak na malulula siya sa mga kabalbalang kumulapol sa kanyang ahensiya. Kaya malaki ang hinala nitong aking kausap na money maker ni Tolentino si Tara upang makalikom ng pondo para sa pangangampanya. Kasi nga kung gugustuhin niyang maabot ang P670,000 monthly payola, kalawitin lamang niya itong sina Jhun Dela Cruz, Arman Perez, Roldan Aban ng Bus Management Dispatch System (BMDS) dahil sila ang mga “bagman” umano ni Tara. Isama na rin niya sina Ronnie Rivera, head ng over speeding at Eduardo Yves Surio, Head ng Central Traffic Enforcement District (CTED-1) dahil kakutsaba rin sila sa pagpapahirap sa enforcers at kolektong sa ahensiya. Sila umano ang tinaguriang “Magic-5” ni Tara na untouchable sa liderato ni Tolentino.
Kung inyong matatandaan, binanatan ko si Tara kamakailan nang lumapit sa akin ang mga sinibak na constable ni Tolentino. Bukod kasi sa kanilang pagpapaliwanag isinulat pa nila sa likod ng lumang kalendaryo at yellow pad ang kanilang hinagpis. Ito lamang umano ang paraan upang magising si Tolentino sa kawalanghiyaan ni Tara sa MMDA. Dahil bukod umano sa P670,000 monthly payola, nagnanais pa si Tara na ma-promote sa pagka-Director-4 upang siya na ang hahalili kay Tolentino. Kapalmuks talaga si Tara! At upang madadagdagan pa ang kontrobersiya ni Tolentino. Narito pa ang sariwang sumbong sa akin. Diyan sa Caltex Station sa Quirino Ave. cor. Mabini Street, Malate, Manila, maraming Starex Van at Super Grandia na naka-park. Sila ang tinaguriang MMDA color coding exemp-ted at balasubas sa kalye. May hatag sila na P80,000 per unit sa opisina umano ni Tara kaya may naka-laminated silang MMDA exemption sa kanilang dustboard. Regular umano ang kanilang pagpick-up ng mga Koreano sa NAIA 1, 2 and 3 na may kasamang tourist guide. Dinadala nila ito sa mga hotel na paborito ng mga Koreano. Madalas din umano itong makita na nagdadala at pumipick-up ng mga Koreano sa mga sikat na hotel and casino at mga Korean Restaurant sa Metro Manila at Tagaytay City. Hindi lamang pala MMDA ang ginagasgas ng mga colorum na van, pati pala tanggapan ni LTFRB chairman Winston Gines, di ba mga suki! Kaya panawagan ko kay Tolentino, hulihin mo ang inirireklamo ng mga kawaawang Constable at iharap sa media kasama ang kanilang boss na si Tara nang bumango ang iyong pangalan. Tinatawagan ko rin si Gines na kumilos dahil kapag nagkaaberya sa daan, ikaw ang unang tatamaan. Kilos mga Sir, nang manalo kayo 2016.