DAPAT mag-isip ang mga mambabatas na panahon na para ipanukala ang pagbabalik ng parusang kamatayan at ipataw ito exclusively sa drug traffickers. Tiyak na maraming kokontra pero dapat limiiin nila kung gaano kasama ang idinudulot ng pagkasugapa sa illegal na droga. Marami nang nawasak na buhay.
Ayon sa report ng Dangerous Drugs Board (DDB) nasa 1.7 milyong Pinoy ang lulong sa droga. Hindi lamang kabataan ang sugapa kundi pati mga nasa tamang gulang. Nakaaalarma ang pagdami ng mga sugapa sa maraming bahagi ng bansa. Ayon sa Philippine National Police (PNP), 90 per cent ng mga barangay sa bansa ay drug infested.
Wala nang pinangingilagan ang drug traffic-kers. Patuloy sila sa masamang gawain. Noong Miyerkules, P100 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) sa Caloocan City. Magsasagawa ng buy-bust operation ang AIDSOTF subalit nakatunog ang Chinese drug traffickers na nakilalang si Mico Tiu Tan. Inabandona nito ang sasakyan at tumakas. Nakuha sa kanyang sasakyan ang 20 kilo ng shabu.
Noong nakaraang linggo, isang Chinese ang naaresto sa Pasay City at nakuha sa kanyang sasakyan ang kilu-kilong shabu na milyong piso ang halaga. Noong nakaraang linggo rin nadiskubre ang drug dens sa likod ng Camp Crame na mini-maintain ng isang pulis.
Laganap na laganap ang illegal drugs. Kahit sa liblib na lugar ay maraming addict sa shabu at gumagawa ng krimen – nagnanakaw, nanggagahasa at pumapatay. Wala nang kinatatakutan ang drug traffickers sapagkat malambot ang batas.
Sa Indonesia, China, Saudi Arabia at ibang bansa sa Middle East, kamatayan ang parusa sa drug traffickers. Dito sa Pilipinas, habambuhay ang parusa. Napakaraming drug traffickers ang nakakulong ngayon sa New Bilibid Prisons (NBP) at kahit nasa loob, nakakapag-transact pa ng business ukol sa illegal drugs.
Panahon na para isulong ang panukalang batas na magbabalik ng bitay para sa drug traffickers. Lethal injection ang nararapat.