NOONG Miyerkules, dumayo sa Universidad de Manila si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang makipag-ugnayan sa mga college students ng lungsod ng Maynila, alamin ang kanilang mga aspirasyon para sa bayan at sa sarili nilang sitwasyon, at magpanukala ng mga sistema at solusyon na magpapaganda sa kanilang karanasan bilang estudyante at bilang mamamayan. Siyempre, niliwanag ni Senator Bongbong na hindi sila dapat umasa lamang sa kung ano ang maiaambag ng kanilang halal na kinatawan. Sila ngayo’y may kapangyarihan na at karapatan -- nasa kanila na ang sagradong katungkulan na makapamili ng kung sino ang pagkakatiwalaang magbigay direksyon sa kapalaran ng lahat.
Bawat isa sa atin ay may karapatang magprisinta ng sarili sa bayan tuwing eleksyon. Ang ilan nga ay talagang pinangangatawanan ang hangarin sa pamamagitan ng pagiging kandidato. Subalit para sa karamihan, ang tanging partisipasyon sa maayos na pamamahala ay ang pakikibahagi sa proseso ng eleksyon. Kung ikaw ay may isyu sa pang-araw araw mong buhay -- asar ka ba sa laging na-drop ang mga tawag sa cell phone, gigil ka na ba sa buhul-buhol na traffic, tutol ka sa benggatibong ugali ng ilang mga opisyal, may mungkahi ka para maging mas maayos ang patakbo ng iyong gobyerno -- sa lahat ng ito at sa iba pang usapin ay may magagawa tayo. Ipahayag ang damdamin sa pamamagitan ng pagboto, pagiging kawani ng pamahalaan o makiisa sa mga hakbang ng pribadong sektor upang makagaan sa dalahin ng ating mga opisyal.
Ang mga desisyong nakaaapekto sa ating sitwasyon ay nagagawa lang ng mga taong nakikilahok sa proseso. Kung hindi ka magsasalita -- at least sa pamamagitan ng pagboto, ano ang karapatan mong magreklamo?