Tanim-bala/droga itigil sa NAIA

MGA balikbayan na paalis sa NAIA, mag-ingat. Huwag magpabiktima sa raket na tanim-bala sa baggage x-ray inspection. Pasimpleng nagsisingit ang tiwaling transport security inspector ng bala o shell sa outside pocket ng maleta, tapos aakusahan ang may-ari ng terorismo. Praktisado ang modus operandi. Kayang magsingit ng lokong inspector ng bala nang patalikod, para hindi mahuli sa nakatutok na CCTV camera. Gan’un ang ginawa kamakailan ng apat na magkakasapakat na inspectors, para kikilan ng tig-P500 ang isang papaalis na misyonerong Filipino-American at isa ring lumpong Fil-Am. Nahuli lang sila nang makunan sa CCTV sa pagnakaw ng handbag ng isang babaing OFW.

Merong kakambal na raket na tanim-droga. Kalimitang biktima nito ay mga dayuhang matrona. Kapag nalingat, sini­singitan ng sachet ng shabu ang kanilang bag, at tinatakot na kakasuhan ng drug possession. Libu-libong piso ang kinikikil sa mga biktima.

Hindi lang sa NAIA Departure kundi pati sa Arrival Area ay may mga raket. Binabawalan ng Airport Police na mag-pick up doon ang ordinaryong taxi, dahil umano niloloko nito ng mahal na pasahe ang pasaheros. Tapos pilit nila sila isinasakay sa “official” airport taxis na mas mahal pa nga ang pasahe dahil silang mga Airport Police ang may-ari.

Kapag gabi na dumating ang flights at sarado na ang mga bank branches sa NAIA, panibagong biktimahan. Mga Airport­ Police din ang nagpapalit sa peso ng dollars at iba pang foreign­ exchange ng mga pasaheros -- sa labis na mabababang halaga.

Nangyayari lahat ito dahil sa kapabayaan ni NAIA ge­neral manager Jose Angel Honrado. Dahil sa strokes na nagpahina ng katawan at utak, hindi na niya kaya pamahalaan ang higanteng pasilidad. Pero nagpupumilit pa rin, kaya napapalusutan ng mga raketeers. Kinukunsinti naman siya ng appointer na pinsan na si President Noynoy Aquino. Hay naku!

Show comments