Joey de Leon, tunay na henyo!

HUWAG seryosohin ang balitang kutserong ito. Pumayag na raw si Davao City Mayor Digong Duterte na tumakbo na lang bilang bise presidente at ang presidente niya ay si BIR Commissioner Kim Henares.

Pero tahasan daw tumutol si Henares sa panukala dahil­ malaswa daw pakinggan ang kombinasyon ng kanilang pangalan. Bahala na kayong mag-isip. HENares-DUTerte? Malaswa nga ang dating kaya, erase-erase. Pampatawa lang.

Ang totoong balita na nakakasurpresa ay ang pahiwatig ni Sen. Alan-Peter Cayetano na maaari siyang tumakbong bise presidente ni Duterte. Oo nga, nagdeklara siya na tatakbong vice president at binigyang diin na wala pa siyang sinusuportahang presidential candidate. Pero ang kanyang intensyon ay ipinaha­yag niya sa Davao City na balwarte ni Duterte kaya ang sabi ng barbero kong si Mang Gustin – “the message is clear: DUT-AL sa 2016. Sabi naman ni Brat Pig, mas mainam kung si Alan-Peter ang tatakbo for President at si Duterte ang bise para AL-DUT, pantapat iyan sa phenomenal na tambalang AL-DUB, Hiks-hiks-hiks.

Pinuri naman ni Duterte si Alan-Peter na “d’best” vice presidential bet na kayang pataubin ang lahat ng kakandi­datong bise presidente. Iyan ang maganda sa political season na ito. Mara­ming surpresang nakakatawa. Sa panahon natin ngayon na maraming problema ang bayan sa kahirapan, korapsyon at iba pa, kailangang humanap tayo ng rason para magalak at matawa.

Medyo maiba tayo ng paksa. May mga kritikong nagsa­sabing masyado tayong mababaw dahil kinababaliwan natin ang tambalang “Al-Dub” ng pamosong Eat Bulaga. Minsan, kailangan nating maging mababaw sa panahong  gusto nating matawa at masiyahan.

Sa kabila ng mga batikos sa super-popular na Al-Dub, ang masasabi ko’y super-dupper na henyo itong si Joey de Leon na siyang utak ng mga pumapatok na konsepto sa Eat Bulaga. Ito ay pinapatunayan ng katotohanang panahon pa ni Marcos ay sikat na ang Eat Bulaga. Marami na ring mga bituin na pinasikat ang unbeatable noontime show na nawalan na ngayon ng ningning pero naririyan pa rin ang “Bulaga” na patuloy na gumagawa ng mga bituin. Congrats Joey and the “Bulaga” staff.

Show comments