SA State of the Nation Address ni President Noynoy Aquino noong Hulyo 22, 2013, walang pangimi niyang inupakan ang mga taga-Bureau of Customs dahil sa mga illegal na nangyayari roon. Pinahagingan na niya si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon para magkaroon ng improvement sa koleksiyon ng tanggapan subalit wala ring nangyari. Nagalit na si P-Noy sa Customs noon. Anang bahagi ng talumpati niya sa SONA: “Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kayo kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Marami pong gabi bago ako matulog, kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo.” Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa pwesto.”
Makalipas ang ilang buwan, nagbitiw na si Biazon at mayroon bagong ipinalit na Customs commissioner --- si John Sevilla. Umaasa na sa bagong mamumuno ay magkakaroon ng pagbabago sa panunungkulan ni Commissioner Sevilla. Pero wala ring nangyari. Wala ring pagbabago. Pati basurang toxic ay pinalulusot. Pagkaraan ng dalawang taong pamumuno sa Customs, nagbitiw si Sevilla. Naghanap muli nang ipapalit si P-Noy bilang Customs Commissioner at napili si Bert Lina.
Pero nakadidismaya rin sapagkat wala ring pagbabago. Pinalitan lamang ang pangalan o mga nakapuwesto pero ganoon pa rin kasama ang nangyayari sa Customs. May mga kontrabandong nasasabat gaya ng asukal subalit hindi naman nakakasuhan ang mga smugglers.
Kamaikailan, 64 containers ng smuggled Thai sugar ang nasabat pero hanggang ngayon hindi pa nakakasuhan ang isang nagngangalang Philip Sy na umano’y may-ari ng shipment. Nakapagtataka na dineklarang smuggled ang kargamento pero wala pa ring aksiyon. O aarburin na ito ng dating LTO chief na binanggit na ang pangalan ni P-Noy?
Kailan magkakaroon ng pagbabago sa Customs?