NANGANGANIB na namang malumpo ang industriya ng turismo sa bansa dahil sa panibagong kidnapping na naganap sa isang resort sa Davao City noong hatinggabi ng Lunes. Dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay ang kinidnap ng 11 armadong kalalakihan. Naganap ang pangingidnap habang nagkakasayahan ang mga turista sa Holiday Ocean View Samal Resort. Dalawang motorized banca ang ginamit umano sa pangingidnap. Mabilis na nakatakas ang mga kidnaper patungo sa direksiyon ng Compostela Valley.
Hinala ng mga awtoridad, Abu Sayyaf ang may kagagawan ng pangingidnap. Katulad na katulad umano ang estilo ng pangingidnap sa mga nangyari sa nakaraan. Maraming beses nang nangidnap ng mga dayuhan ang Sayyaf at pawang pinatubos ng ransom. Noong Abril 2000, 21 turista ang kinidnap ng Sayyaf sa Sipadan, Malaysia at pinatubos ng $20 milyon. Noong Mayo 2001, sinalakay ng Sayyaf ang isang resort sa Palawan at kinidnap ang mga turista kabilang ang mag-asawang Burnham. Pinatay ang isang hostage na Amerikano samantalang napatay sa rescue operation ang isa pa.
Marami nang lider ng Sayyaf ang napatay --- Abu Sabaya, Kumander Robot, Radulan Sahiron at iba pa subalit patuloy pa ring namamayagpag ang grupo. Muli at muling nakakapangidnap at tila wala nang katapusan ang kanilang kasamaan. Nagkulang ba ang AFP at PNP kaya hindi mapulbos ang Sayyaf? Inumpisahan pero hindi tinapos ang pakikipaglaban?
Sa panibagong pangingidnap, nasa balag na naman ng alanganin ang turismo ng bansa. Sino pa ang pupunta sa bansa kung ganito lamang ang mangyayari? Wala silang proteksiyon habang nasa bansa. Hinahayaang makidnap.
Ang dapat gawin ng pamahalaan ay agarang mahuli ang mga kidnaper ng mga turista. Kailangang mapagbayad sila sa ginawang pangingidnap. Huwag hayaang makalayo at maipatubos ang mga kinidnap na dayuhan. Malaking kasiraan sa bansa ang patuloy na pangingidnap.