MALING-mali si Finance Sec. Cesar Purisima na magpapababa ng credit rating ng Pilipinas kung ibababa rin ng gobyerno ang income taxes. Isang batayan ang credit rating sa pagpasok ng dayuhang mamumuhunan. At sila na mismo ang umaangal -- sa pamamagitan ng newspaper ad kamakailan ng Joint Foreign Chambers of Commerce -- na sobra ang bigat ng buwis sa sahod ng kanilang mga lokal na empleyado. Sinusuportahan nila si Trade Sec. Gregory Domingo sa pag-adhika ng reporma sa pagbubuwis. Kaso, ang ekonomistang si President Noynoy Aquino ay kumikiling kay Purisima. Kaya tuloy nag-resign sa Gabinete si Domingo pero pinananatili ni P-Noy hanggang matapos ang APEC Summit sa Manila sa Nobyembre.
Sa 35%, pinaka-mataas ang income tax ng Pilipinas sa buong ASEAN. Masakit ito sa mga suwelduhan. Kinakaltas kasi ng gobyerno sa sahod nila ang buwis.
Kapag umabot sa P450,000 sa isang taon ang sahod ng empleyado, o P35,000 kada buwan kasama ang 13th-month pay, kasing-tax bracket na niya ang top ma-nagers na tumatanggap ng P4.5 milyon o ng P14.5 mil-yon. ‘Yun ay dahil napaglumaan na ang batas sa income tax, dalawang dekada na ang tanda. Malaking halaga noon ang P450,000, pero dahil sa inflation ay natapyasan na ng halaga, at karaniwang starting salary na lang ngayon sa call center.
Nu’ng ipinapasa ng Kongreso ang batas sa VAT (value-added tax), nangako ito na ibababa ang income tax rates. Hindi lang ‘yon, ipapako ito sa inflation; kapag bumaba ang halaga ng piso, otomatikong bababa rin ang tax brackets. Pero nakalimutan na ito ng Kongreso. Samantala, doble pakinabang ang gobyerno sa 12% VAT at mataas na income taxes.
Sa VAT na lang sana umasa ang gobyerno, dahil buwis ito sa consumption, kasama ang luho. Bawasan ang income tax para may magastos ang mga empleyado. Sa paggasta na lang sila buwisan ng VAT.