MALAKING ginhawa ang naidulot ng online internet banking. Hindi na kailangang magtungo ng banko para gumawa ng ilang mga transaksyon, tulad ng pagbayad ng mga kuryente, maglipat ng pera sa ibang tao, o para malaman lang ang balanse. Pero lumalabas na ang ginhawang ito ay may peligro na rin. Marami na rin ang naging biktima ng paglimas ng kanilang pera sa kanilang mga account. At magagawa lang ito sa online banking. Nakakapasok ang mga magnanakaw sa account ng mga biktima. Kung paano nagawa ito ay iniimbestigahan pa ng mga opisyal ng mga banko. Paano nila nakuha ang password ng mga kliyente? Kaya may mga nagtatanong na rin kung “inside job” ang mga pangyayaring ito.
Responsibilidad ng mga banko na maglagay ng panlaban sa ganitong sistema ng pagnanakaw. Pero responsibilidad din ng mga depositor na bantayan ang kanilang mga maseselang impormasyon. Hindi dapat ipinaaalam kahit kanino ang kanilang mga password. Dapat maya’t maya ay pinapalitan din ang mga password, at huwag gumamit ng mga password na madaling hulaan, tulad ng mga birthday o pangalan ng mga asawa o anak. Ang matitibay na password ay ang mga mahirap tandaan,kung saan halu-halo ang letra at numero. Sa madaling salita, pahirapan din ang mga magnanakaw na iyan. Ngayon kung “inside job” iyan, ibang usapan na iyan.
Sumasabay talaga ang mga kriminal sa panahon at teknolohiya. Kung hi-tech na ang pagbabanko, nagiging hi-tech na rin ang pagnanakaw. Kaya baka maganda na rin ang lo-tech paminsan-minsan. Dapat hindi lang isa ang account. Magbukas ng account na may sapat na pera lamang para pambayad ng kung anu-ano, at may ibang account na hindi naka-enroll sa online banking para hindi mapasukan ng kahit anong computer. Kung wala sa internet, hindi ito mapapasukan.
Hindi rin dapat gumagamit ng ATM nang madalas.Kung talagang kailangang mag-ATM, humanap ng nasa loob ng mall para mas ligtas mula sa mga “skimmer”. Kung walang mall na mapupuntahan, magtungo sa lugar na maraming tao at maliwanag. Responsibilidad ng mga banko ang maglagay ng CCTV na nakatutok sa mga ATM, para malaman kung sino ang mga gumagamit, at mas maganda kung may guwardiyang nakabantay kahit sarado na ang banko. Ilan lang ito sa mga paraan para maging ligtas ang pinaghirapang pera mula sa mga magnanakaw.