MGA bayani ng modernong panahon ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil ang bilyones na ipinadadala nila ang nagpapatatag ng ating dollar reserves.
At dahil malaki ang pakinabang ng gobyerno sa OFWs, panahon na para gantihan ang kanilang kadakilaan. Ang OFWs ay nagtatrabaho sa may 180 mga bansa sa buong mundo.
Inihain ko sa 16th Congress ang House Bill No. 3679. “It is an Act granting special privileges to overseas Filipino workers in the payment of SSS, Pag-IBIG and PhilHealth premiums and appropriating funds therefore.”
This Act shall be known as the “Overseas Filipino Workers Premium Benefits Act of 2014.”
Ang ating bansa bilang surrogate employer ng mahigit 10 milyong OFWs ay obligado na magbigay ng kontribusyon at bayaran ang 50 percent ng SSS, Pag-IBIG at PhilHealth premium payments.
Ang 50 percent ng prima ay babayaran pa rin ng OFW, katulad ng sistemang sinusunod sa local employment sa bansa.
Kapag ito ay naging batas, inaatasan ang Department of Budget and Management secretary na makipag-ugnayan sa Social Security System, Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), at Philippine Health Insurance Corporation para magsagawa ng implementing rules and regulations sa pagpapatupad ng naturang batas.
Bilang kinatawan ng OFWs sa Kongreso sa pamamagitan ng OFW Family Club Partylist, gagawin ko ang lahat upang ito ay maging batas na pakikinabangan ng mga bagong bayani.
Ang masakit nga lang, hanggang ngayon ay hindi pa ito naaaksiyunan ng komite ng OFWs dahil prayoridad nila ang walang katapusang imbestigasyon.