TAMA lang ang ginawa ng pamahalaan na ibalik ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) para magmando sa lansangan.
Mga armado at may pangil na ipatupad ang batas kumpara sa mga pobre at sibilyang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) enforcer na dating kinakaya-kaya lang ng mga bastos at balahurang motorista.
Kaya ang nangyayari, kuntodo labag ang mga kumag, kenkoy at kolokoy sa mga batas-trapiko. Umaastang mga ‘VIP’ na para bang ang pagmamaneho ay karapatan at hindi isang prebilehiyo na ipinagkaloob ng estado.
Dalawang bagay lang kung bakit ibinalik ng kasalukuyang administrasyon ang HPG sa lansangan. Una, dahil sa desperasyong maresolba ang lumalalang problema sa trapiko. Pangalawa, posibleng ang mga lider at namumuno, lalo pang naging inspirado sa sitwasyon.
Pero mabuti na rin at may ginawang ‘eksperimento’ si Pangulong Noy Aquino kahit ikinukunsidera na siyang lame duck president. May kasabihan nga, huli man daw at magaling, nakakahabol pa rin!”
Kawalang-disiplina ng mga motorista ang pangunahing dahilan ng lumalala pang trapiko sa bansa. Papaano ba naman kasi, ang mga lider at namumuno, sangkaterbang mga palpak. Walang ibang ginawa kundi magpalaki lang ng kanilang mga tiyan sa malalamig nilang tanggapan.
Tulad ng lagi kong sinasabi sa aking programang BITAG Live, lansangan ang repleksyon kung anong uring pamumuno at pangangasiwa mayroon ang isang bansa.
Sa pagbalik ng HPG sa lansangan, sana panimula na ito na maibalik ang magandang imahe ng mga pulis at mabura na ang ‘kotong cops’ sa isipan ng publiko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.