Kunwari nag-sorry, tapos nanlait muli
DAHIL ginisa siya sa Senado, nag-sorry si Customs chief Alberto Lina sa pananakit ng damdamin ng overseas Filipino workers. Binalak niyang bulatlatin lahat ng padala nilang Balikbayan boxes, dahil pampuslit kuno ito sa smuggling. Umalma ang milyun-milyong OFWs. Nanakawan lang sila ng Customs inspectors na makakati ang kamay, at yuyurakan ang kanilang privacy sa padalang regalo. Napilitan umatras si Lina. X-ray at K-9 inspections na lang ang gagawin ng Customs. Kapag nakatuklas ng kahina-hinalang Balikbayan box ay saka lang ito bubuksan.
Hindi sinsero si Lina. Matapos niyang mag-sorry, iginiit niya na P3 bilyon-P5 bilyon ang pinupuslit taun-taon ng smuggling sa loob ng Balikbayan boxes. Kumbaga, para pa rin sa kanya, smugglers are OFWs. Inusisa si Lina ng mga senador kung ano ang batayan niya dito. Tugon niya, nakasabat sila ng 38 kahon nitong nakaraang anim na taon ng halagang P12.3 milyong smuggled goods. Kung paano ni Lina na-extrapolate ang P3 bil-yon-P5 bilyon mula sa P12.3 milyon sa 38 kahon, hindi niya maipaliwanag. Basta, sa pananaw niya, smugglers ang nagpapadala ng Balikbayan boxes.
Meron pang pruweba na insinsero si Lina. Sa kabila ng pag-sorry sa OFWs at pagtigil ng random inspections, itinaas pa rin niya nang P100,000 ang dating P80,000 Customs charge sa bawat cargo container ng Balikbayan boxes. Kabuuang P180,000 na ngayong magpa-Pasko. Siyempre, ipapasa ng freight forwarder ang dagdag-singil na ito sa customers. Magmamahal nang P250-P350 ang presyo ng bawat ipadadala nilang kahon, simula nitong Kapaskuhan.
Hangad ni Lina kumubra ang Customs ng dagdag na P600 milyon kada taon mula sa Balikbayan boxes. Samantala hinahayaan niya ang pag-smuggle ng P200-bilyong gasolina taun-taon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest