Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7104038
MALAKING KASO… brutal na pagpatay. Kami na mismo ang nakipag-ugnayan sa ilang kasamahan namin sa media para malutas ito.
Ito ay ang pagpatay kay Edralin “Ed” Adriano na inilapit sa amin ng mag-asawang Ronnie Moreno amain ng biktima at inang si Editha.
Maliban sa ibang nakausap ko mula sa iba’t-ibang estasyon nakipag-ugnayan din ako kay kaibigamg Korina Sanchez. Inilabas sa TV Patrol sa Channel 2 upang mabigyan ng atensyon ang krimen na ito.
Para mas makahanap ng mabigat na ebidensiya mga kapamilya at mga kaibigan ni Ed ang gumagawa ng paraan.
Kumuha sila ng kopya at binuksan ang CCTV ng kapitbahay na dapat ang mga pulis mismo ang gumawa upang malutas ang brutal na pagpatay kay Ed.
Hiniling nila sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na kung maaari ay magpadala ng isang grupo, dalubhasa mula sa Cyber Crime Division upang masubukang buksan ito.
Ang isang ‘circumstantial evidence’ ay walang timbang maliban na lang kung ito’y susuportahan ng isang pisikal na ebidensya (physical evidence).
Matapos ang halos dalawang taong pakikipaglaban at pagdarasal ng pamilya ni Ed upang mabigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay naglabas ng resolusyon si Judge Phoebe Meer ng Regional Trial Court (RTC) Branch 275 ng Las Piñas noong ika-28 ng Agosto 2015.
Ang akusado ay hinahatulan ng ‘indeterminate penalty’ ng labing apat na taon, walong buwan at dalawampung araw na pagkakakulong bilang minimum hanggang labing pitong taon at tatlong buwan bilang Maximum.
Ang kasong ‘Robbery with Homicide’ ay may kaparusahan sa ilalim ng Article 294 (as amended by RA 7659) ng Revised Penal Code (RPC) sa pamamagitan ng ‘reclusion perpetua’ hanggang kamatayan.
Dahil wala namang ‘aggravating circumstance’ na napatunayan sa paglilitis, ang parusa ay ‘reclusion perpetua’.
Sa Robbery with Homicide, civil indemnity at moral damages sa halagang Php50,000 bawat isa. Ito ay sapilitan ng hindi kailangan ng alegasyon at ebidensiya dahil sa pagkamatay ng biktima.
Sa actual damages, may batas na ang tanging pinapayagan ay yung may mga resibo. Sa Php314,232.01 na hinihingi para sa mga ginastos pagburol at paglilibing tanging Php155,000 lamang ang may mga resibo kaya ito lamang ang iginagawad ng korte.
Sa karagdagan ang akusado ay may pananagutang ibalik sa mga tagapagmana ng biktima ang halaga ng mga kagamitang nanakaw.
Para naman sa kawalan ng kakayahang kumita, ang sertipikasyon na may petsang Pebrero 10, 2015 ay nagsasabing ang kinikita ni Ed ay Php1,440,000.
Si Ed ay 38 taong gulang nang siya’y mamatay. Ang kanyang ‘life expectancy’ ay 28 taon mula sa gross annual income na Php1, 440, 000, ang net income ay Php720,000. Kung ganun ang ‘net earning capacity’ ng namatay ay Php20, 160,000.
‘GUILTY’ ang hatol sa akusadong si Ricardo Robles AKA Rek-Rek sa dalawang kasong isinampa laban sa kanya.
Sa unang kaso na Anti-Carnapping hinahatulan ng korte ang akusado ng labing apat na taon, walong buwan at dalawampung araw na pagkakakulong hanggang labingpitong taon at tatlong buwan.
Sa ikalawang kaso na Robbery with Homicide ‘RECLUSION PERPETUA’ o habang buhay na pagkakakulong.
Inuutusan din siyang bayaran ang mga naiwan ni Ed sa halagang Php50,000 bilang civil indemnity sa pagkamatay nito, Php50,000 na moral damages, Php155,000 na actual damages.
Halagang Php20,160,000 sa nawalang kikitain at Php271,000 para sa mga nawalang gamit ni Ed. May interes itong 6% per annum ito mula nang maging pinal ang desisyon hanggang sa mabayaran ito ng buo.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag ang isang kaso ay tungkol sa brutal na pagpatay ay hindi dapat isinasantabi.
Kung ang taong nagkasakit at saka namatay ay mahirap tanggapin ng pamilya ang sinapit yun pa kayang halos basagin ang bungo ng iyong anak?
Maging patas din sana ang ating mga kapulisan sa lahat ng inaasikasong mga krimen. Hindi dahil nauna na silang mautusan na imbestigahan ang naunang kaso ng pagpatay ay isasantabi na muna ang iba.
Kung hindi kaagad kumilos ang pamilya upang makahingi ng tulong marahil ay natulog na ang kasong ito.
Nakatakbo na ang akusado at hindi na nahanap ang sasakyan ng biktima na makakapagturo o makakapagbigay ng karagdagang impormasyon at ebidensiya sa kaso.
Hindi pa din naaalis sa amin ang magtanong na kung pagnanakaw lang ang motibo dito bakit umabot sa puntong halos madurog ang bungo ni Ed?
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.