SANA nagdahan-dahan si Protected Area Superintendent Roel Colong ng Department of Environment and Natural Resources sa pag-akusa na mali ang release site na kung saan pinakawalan noong June 12 ang Philippine Eagle na si Pamana sa Mt. Hamiguitan Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental.
Natagpuang patay si Pamana dahil sa isang gunshot wound may dalawang buwan pagkatapos nang siya’y pinakawalan noong Independence Day. Nakita ang kanyang katawang naaagnas malapit lang din sa kung saan siya pinakawalan.
At sinabi nga ni Colong na mali ang release site ni Pamana kaya ito binaril at namatay.
Mas malaking mali ang pagpalabas ng mga statement na ganun lalo na kung ito ay nanggaling sa isang DENR protected area superintendent gaya ni Colong.
Mas nakakabuti sana kung si Colong ay hindi na nagbigkas kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa pag-aalaga at sa pagpakawala ng ibon gaya ng agila.
In fairness sa Philippine Eagle Foundation (PEF) ginawa naman nito ang karapat-dapat para sa pangangalaga at sa conservation efforts nito sa giant raptor na patuloy na bumababa ang populasyon.
At kung ginawa ba naman nang maayos ng mga taga-DENR na gaya ni Colong ang trabaho bilang tagapangasiwa at tagabantay ng ating mga protected areas gaya ng Mt. Hamiguitan hindi sana lumiliit and forested areas ng ating bansa.
Heto nga at umaabot na sa P650,000 ang naging pabuya para sa information na magtuturo kung sino ang pumatay kay Pamana.
Ngunit kahit magkano man ang maging pabuya ang katotohanang hindi na maibalik ang buhay ni Pamana ay dilat nating harapin dahil na rin sa ating kapabayaan at hindi pag-alaga sa kalikasan lalo na sa mga nakatokang bantayan ang ating kalikasan.