TUWANG-tuwa na sana si Juan dela Cruz sa nilulutong bill sa Kongreso na magtatapyas sa buwis na dapat bayaran ng mga ordinaryong mamamayan pati na ng mga korporasyon. Kaso nabokya!
Okay na sana kay Presidente Noynoy ito pati sa dalawang kamara ng Kongreso, pero may kontrabidang tumutol. Si Finance Secretary Cesar Purisima. Naamoy yata ni Purisima na plantsado na para maisabatas ang bill kaya ipinahatid ang kanyang pagsalungat sa Malacañang sa pamamagitan lang ng text message.
Maaapektuhan daw ang “credit rating” ng Pilipinas. Hindi ko maintindihan ito. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na buwis sa buong Asia pero kakatwa na ito rin ang may pinakamababang koleksyon ng buwis kumpara sa ating mga kalapit na bansa.
At isipin pa ito: Alam n’yo ba na sa problema natin sa smuggling na hindi masugpu-sugpo, halos P200 bilyon ang nawawala taun-taon? Huwag nang isali diyan ang bilyones din na kinukulimbat ng mga mandurugas sa gobyerno. Mukhang napaka-walang katarungan na dahil sa mga “leakage” na ito, laging ang target ng pamahalaan ay mga ordinaryong mamamayan para mabawi ang perang hindi nakulekta.
Sa tatlong uri ng buwis na sinisingil ng pamahalaan gaya nang individual income, corporate tax at Value Added Tax (VAT) tayo ang pinakamataas ang binabayarang buwis kung ihahambing sa ibang kalapit na bansa.
Ang nakakaawa ay ang mga ordinaryong tao. Yung mga kompanya ay madaling maka-iwas sa pagbabayad ng malaking buwis pero ang mga ordinaryong manggagawa, hindi pa man nasisingil ang suweldo ay ikinaltas na ang buwis na dapat bayaran.
Ang author ng bill na nagbabawas sa buwis na dapat bayaran ay si Marikina Rep, Miro Quimbo, isang kaalyado ng administrasyon. Pero tiyak ko na masama ngayon ang loob niya lalu pa’t kung papatulan ng Pangulo ang pag-torpedo ni Purisima sa kanyang magandang panukala.
Dapat marahil isipin ng mga “bright boys” ng pamahalaan na marami ang tax evaders dahil sa sobrang taas na buwis. Aanhin mo ang mataas na buwis kung hindi naman nakukulekta nang tama ng pamahalaan? Ibig sabihin lang niyan, may mga taxpayers na nakakalusot dahil nagbibigay ng padulas sa mga opisyal na nangungulekta.