PNP-HPG na ang magbabantay

PARA sa mga motoristang walang takot o respeto sa MMDA pagdating sa pagsunod ng mga batas trapiko, sa tingin ko kailangan na ninyong ma­ging disiplinado. Ang PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) na ang mangunguna sa pagpapatupad ng mga batas trapiko sa EDSA, partikular sa mga intersection ng Balintawak, Cubao, Ortigas, Shaw, Guadalupe at Taft Ave. Dito kara­niwang nagkakagulo nang husto. Si President Aquino ang namuno sa miting para pag-usapan ang sumasamang trapik sa EDSA. Napagkasunduan na ang PNP-HPG na ang hahawak ng trapik sa EDSA. Pero kabahagi pa rin ang MMDA, LTO at LTFRB. Ang pinagkaiba lang ay ang PNP-HPG na ang mamumuno.

May mga motorista na walang respeto o takot sa mga MMDA traffic enforcers, dahil na rin sa hindi sila armado at kadalasan ay wala namang mga sasakyan na panghabol sa mga lumalabag sa batas. May mga insidente pa nga kung saan nasasaktan pa ang mga  traffic enforcers. Kapag ang PNP-HPG na ang magbabantay sa mga nabanggit na lugar, sa tingin ko mawawala na ang mga walang galang na iyan. Armado ang PNP-HPG at may sasakyan pa. Kaya magdalawang isip kung planong takbuhan, o hindi galangin.

Kailangan talaga mauwi sa ganitong pamamaraan, dahil halos nawawala na ang disiplina sa kalsada. Inaasahan na gagawin ng PNP-HPG ang kanilang bagong tungkulin. Malalaman natin sa mga darating na linggo o buwan kung mas epek­tibo kapag sila na ang humahawak ng trapik, o pareho lang. Pero sana hindi lang sa EDSA sila mamuno sa trapik. Maraming kalsada sa Metro Manila na kailangan ang mga enforcer na gagalangin ng mga motorista. Lalo na kung saan may mga tricycle na pumapasada. Mawalang-galang na, pero wala talagang disiplina ang karamihan ng mga tricycle driver na ito. Sisingit, counterflow, sasalubong sa one-way, lahat na. At kung may mga nagdidirekta ng trapik sa lugar, tila pinaba­bayaan na lang. Kaya maraming mga kalsada na magulo dahil sa mga ito. Panahon na magpatupad ng disiplina, hindi lang sa EDSA kundi sa lahat ng kalsada ng Metro Manila, at lahat naman ay gamit na gamit na rin. Kailangan na rin maging mahigpit sa mga drayber. Kapag ilang beses nang nahuli, kumpiskahin na ang lisensya.

Show comments