NAPAKADELIKADO ng buhay ng mga mamamahayag sa bansang ito. Kapag bumatikos, bala ang isasagot. Kapag umupak, riding-in-tandem ang katapat. At sa kabila ng mga sunud-sunod na pagpatay sa mga mamamahayag, walang makitang kaseryosohan sa pamahalaan para maproteksyunan ang mga ito. Kahit sinabi noon ni President Noynoy Aquino na iimbestigahan ang mga pagpatay, wala ring nangyari.
Noong nakaraang buwan, tatlong mamamahayag ang itinumba at gaya nang dati, sabi ng Malacañang ginagawa na nila ang paraan para mahuli ang mga pumatay. Nakikiramay umano sila sa pamilya ng mga pinatay. Ganito parati ang kanilang sinasabi.
Tatlumpu’t anim na mamamahayag na ang napapatay sa ilalim ng Aquino administration. Ang ika-36 ay si Cosme Maestrado, broadcaster ng DXOC, Ozamis City. Binaril siya ng mga armadong kalalakihan noong Agosto 27 sa harap ng isang shopping Center.
Noong Agosto 20 ng gabi, binaril at napatay din ang radio broadcaster na si Teodoro Escanilla ng Sorsogon sa harap mismo ng kanyang bahay.
Noong Agosto 18, ang newspaper publisher na si Gregorio Ybañez ay pinagbabaril din sa harap ng kanyang bahay sa Tagum, Davao del Norte.
Sa ginawang pag-aaral ng Committe to Protect Journalists (CPJ), ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang walang awang pinapatay ang mga mamamahayag. Nangunguna ang Iraq at ikalawa ang Somalia.
At ayon din sa pag-aaral, halos wala pang nalulutas na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. Ang mga “utak” ay malayang-malaya.
Isang halimbawa ay ang broadcaster-environmentalist na si Doc Gerry Ortega. Pinatay si Ortega habang nasa isang ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya sa likod. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan ay isa-isang pinatay ang mga ito. Sinigurong hindi “maikakanta” ang “utak”.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 30 ang minasaker. Hanggang ngayon, wala pang hustisya sa krimen.
Naniniwala kaming tutuparin ni P-Noy ang pangakong wawakasan na ang impunity o pagpatay sa mga mamamahayag. Naniniwala kaming pakikilusin niya ang awtoridad para madakip ang mga “utak” ng krimen. Umaasa kaming mabibigyan ng proteksiyun ang mga mamamahayag.