TIGILAN na ni Mar Roxas ang panliligaw kay Grace Poe bilang vice presidential running mate. Halatang ayaw sa kanya ni Poe. Saka, kung political representation ang ikokonsidera, hindi sila bagay. Kapwa sila Ilonggo: Si Roxas mula Capiz, si Poe mula Iloilo, pareho sa Panay. Turn-off ‘yan sa mga taga-Luzon, -Central at -Eastern Visayas, at -Mindanao.
Mabuti pang humirang si Roxas ng VP mula sa sari-ling Liberal Party. Naroon naman ang mga sikat na kapartido: Sina Transport Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya, Agriculture Sec. Proceso Alcala, at Budget Sec. Florencio Abad -- pawang mga taga-mabotanteng Luzon.
Kilalang-kilala si Abaya ng mga mananakay ng tren, eroplano, at barko. Siya ang bantog na sumira sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3 nang ibalato ang maintenance contracts sa mga palpak na kapartido. Pinabayaan niya ang runway congestion sa Manila airport, at terminal congestion sa Cebu airport. Sa ilalim niya inobliga ang vehicle owners na magpalit ng license plates -- bakal na nalulukot sa baha! Nagkutsabahan na ang Maritime Industry Authority at Coast Guard na pagkitaan ang mga bumibiyaheng barko, nang walang pahalaga sa kaligtasan ng pasahero at kargamento.
Si Alcala ay sikat sa mga magsasaka at mamimili. Sa ilalim niya kumonti at nagmahal ang bigas, asukal, bawang, sibuyas, luya, gulay, isda, at karne. Mapapakinaba-ngan siya ni Roxas. Sinasabing malaki ang kinita ng mga alipores niya mula sa overpriced, smuggled na pagkain.
Kilala si Abad bilang lumikha ng presidential pork barrel, o DAP. Tinuturing siya nina P-Noy at Roxas na “Apolinario Mabini na nakaisip ng ‘Daang Matuwid’.” Gustong-gusto sila (lumpuhin) ng mga kapwa-Batangueño ng Dakilang Lumpong Mabini. Mautak si Abad. Pinaka-maliit ang probinsiya niyang Batanes. Pero pinaka-malaki -- P880 milyon -- ang ni-release niyang PDAF pork barrel sa asawang congresswoman nu’ng 2011-2012. Tig-P70 milyon lang ang mas malalaking distrito.