EDITORYAL - Butas sa NAIA

NAKAKAHIYA ang nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na maaaring ikadisgrasya ng mga nagdadaan dito. Hindi lamang pagtulo sa kisame ang nirereklamo ng mga pasahero kundi pati butas sa sahig. Imagine, ang nakalatag na marble tiles ay panakip-butas lang pala. Huwag magkakamaling tapakan ang marble sapagkat ma­aring mabasag at mahulog sa butas ang sinumang daraan.

Isang turista mula Australia ang nahulog sa butas na may lalim na 0.6 meter at may luwang na isang metro kuwadrado. Nangyari ang insidente noong nakaraang Hulyo 25, dakong 9:00 ng gabi. Ayon sa report tatlong airport employees ang tumulong sa Australian para makaahon sa butas. Kahit nasaktan, hindi na nagreklamo ang 40-anyos na turista kaya hindi na pumutok sa mga diyaryo ang insidente.

Naging mainit lamang ang isyu nang i-upload sa Facebook ang pagkahulog sa butas ng turista. Kumalat ang balita at maraming bumatikos sa nangyayaring kapalpakan sa NAIA.

Paliwanag ng NAIA, nagkaroon ng butas sa ba­hagi ng sahig sapagkat ang portion ay dati umanong pocket garden ng PAL. Hindi raw nalagyan ng tambak ang bahagi at basta nilagyan ng marble ng gumawang contractor. Hanggang bumigay ang marble­. Pero sabi ng NAIA, naayos na raw ang bahaging may butas dalawang linggo na ang nakararaan. Nalagyan na ng tambak ang bahagi kaya wala nang mahuhulog doon.

Noong nakaraang Mayo, nireklamo ang tumutulong kisame sa Arrival at departure area ng Terminal 1 dahil sa pag-ulan. Wala pang isang oras umulan subalit tumulo na sa NAIA. Kakahiya sa mga pasaherong umaalis at dumarating na nagmistulang sprinkler ang kisame.

Taun-taon, nagsasagawa ng pagboto para sa mga pinaka-da best airport sa mundo ang isang travel website at maaaring kabilang na naman ang NAIA dahil sa butas sa sahig na muntik nang ikadis­grasya ng turista. Noon pa marami nang inire­reklamo sa NAIA: Walang tubig sa comfort rooms, marumi ang sahig, kulang ang mga signage, walang upuan, masyadong crowded, walang 24-hour food service, marumi ang comfort rooms, unfriendly ang mga airport staff at mababagsik ang immigration officers.

Seryosohin sana ang pagsasaayos sa NAIA. Ins­peksiyunin nang todo ang bawat sulok at tiyakin na walang madidisgrasya.

Show comments