The bigger one
“THE big one”. Ito ang major event na pinaghahandaan ng ating mga disaster relief agencies, lalo na sa Metro Manila, nang hindi tayo matiyempuhang natutulog sa pansitan kapag mangyari na nga ang inaasahang mega-lindol. Ilang buwan na ring masinsinang paghahanda ang isinasagawa ng ating mga ahensya ng pamahalaan, pati na rin ng pribadong sektor, dahil ang ating kalusugan at kaligtasan ang nakataya.
Kung ang inaantabayanang lindol ang “the big one”, mayroon pa isang pangyayari na, kung tanungin ang mga sumusubaybay, ay higit pang malaking trahedya kapag hindi mapaghandaan ng mabuti. Ang “the bigger one” na naturingan ay ang napipintong pagpapatupad ng K plus 12 program ng DepEd.
Ang pinakamalaki sa litany ng problema ng K + 12 program ay ang kakulangan ng classroom. Sa umpisa ng termino ni President Aquino, aniyaý 113,000 ang classroom na kakailanganin para mapunuan ang pangangailangan. Pagdating niya sa 2014, 66,800 pa lang ang kanyang napapagawa. Ngayon itinuloy na ang K + 12, kung saan madadagdagan ng two additional years ang senior high school, lalo pang lalaki ang classroom shortage. Tinatayang aabot sa 100,000 pa rin ang shortage – ayon sa DepEd – dahil hindi naman nababawasan at sa halip ay nadadagdagan pa ang bilang ng pumapasok.
Hindi lamang sa classroom may shortage. Maging sa bilang ng mga teacher ay mahihirapan tayo. Dahil sa K + 12, abot 80,000 ang karagdagang teacher na kakailanganin. Classroom, teacher at ang kasunod nito? Textbooks. 60 million na bagong textbooks ang requirement dahil ang dating ginagamit para sa lumang 10 year curriculum ay mapapaso na.
Ok lang sana kung ang budget na kakailanganin para tustusan ang lahat ng gastos ay siguradong maibibigay ng pamahalaan. Subalit, sa kasaysayan ay never umabot sa tamang lebel ang gastos ng pamahalaan para sa edukasyon. Kung 6% ng gross domestic product ang normal sa mundo, tayo ay ni hindi man umaabot sa 4%.
Problema rin ang karagdagang gastos sa mga pamilya. Ang estimate ay abot 100,000 ang kailangang dagdag na gastos para sa 2 additional years ng public high school students. Kung sa pribadong sector, halos 200,000 ang gugugulin
Magtataka pa ba tayo kung ihambing sa lindol ang K + 12 program?
- Latest