SA araw na ito ay takdang gumawa ng pag-uulat si Parañaque Mayor Edwin L. Olivarez sa repormang nagawa ng kanyang administrasyon sa Parañaque sa kanyang 3rd State of City Address. Ani Mayor, ang Parañaque ay tatawagin na ngayong “Bay City” para magkaroon ng tumatatak na identity. Ang Parañaque kasi ay nakapagitna sa Manila Bay at Laguna de Bay.
Alam ninyo ba na sa liderato ni Olivarez, ang Parañaque ay itinanghal na 7th Most Competitive City sa lahat ng lungsod sa buong bansa sa ginanap na Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) na inorganisa ng National Competitiveness Council (NCC).
Noong nakaraang taon ay 10th place lang ang lungsod. Noong isang taon ay napili ang Parañaque na pangunahing siyudad sa kategorya ng economic dynamism at ngayong taon ay kasama pa rin ito sa top 3 sa kabila na lumahok sa kompetisyon ang halos lahat ng lungsod sa buong bansa.
Puntos ito kay Olivares dahil nangyari ang reporma kahit na nadatnang walang laman ang kabang bayan. Mismong ang Commission on Audit (COA) pa ang nagsabi na ang lungsod ay may cash deficit na P 2.786 bilyon bukod pa sa utang na P2 bilyon sa Land Bank of the Philippines.
Pero pagkaraan lamang ng dalawang taon ay nalutas ang problema. Ito ay sa pamamagitan ng masigasig na paniningil ng buwis at masinop na paggastos kasabay pa ng kanilang tax amnesty program na nagbigay sa kanila ng P700 milyon at loan restructuring.
Patuloy ding dumaragsa ang mga mamumuhunan sa siyudad na mahigit na sa 20,000 at may tinatayang gross sales na mahigit sa P300 bilyon kada taon. Ang ilan sa mga kumpanyang nasa lungsod na ay ang Solaire Resorts and Casino na pag-aari ng Bloomberry Resorts Company na isa mga naunang nagbukas na casino-hotel sa Entertainment City.
Nariyan din ang City of Dreams Manila Resort na may anim na hotel towers at may kumpletong mga pasilidad para sa kasiyahan ng buong pamilya na pinatatakbo naman ng Melco Crown Philippines at Premium Leisure Corp.
Patunay lang ito na kung walang kurapsyon, walang dahilan para hindiumunlad ang alinmang pamayanan.