WALA nang kinatatakutan ang carnappers ngayon. Kahit nasa harap ng bahay nakaparada ang sasakyan, walang takot na nanakawin. Iglap lang at tangay na ang sasakyan. Kahit may nakatutok pang CCTV, wala nang kinasisindakan ang carnappers.
Gaya nang nangyari sa Quezon City noong isang araw. Na-carnap ang sasakyan habang nakaparada sa tapat mismo ng bahay. Sabi ng may-ari, hindi raw nila inaasahan na mananakaw ang kanilang sasakyan dahil nasa tapat lamang ng kanilang bahay. Anila’y safe naman sa kanilang lugar at matagal na panahon na rin silang nagpa-park doon. Pero ganoon na lamang ang pagkadismaya nila nang matuklasan na nanakaw na ang kanilang sasakyan. Sobrang lakas ng loob ng mga gumawa niyon. Nanghihinayang ang may-ari ng sasakyan dahil pinag-ipunan niya nang matagal para mabili ang sasakyan na nanakawin lang pala ng mga kawatan. Shock siya sa nangyari at hindi malaman ang gagawin.
Tumaas ang bilang ng mga naka-carnap sa sasakyan sa Metro Manila. Mismong ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang nagsabi na mula Enero hanggang Hunyo 2015, umaabot na sa 586 na sasakyan ang naka-carnap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mababa pa naman ang bilang na ito kumpara sa mga nakarnap na sasakyan noong nakaraang taon (2014) na umabot sa 843. Bukod sa mga kotse at SUVs, paborito ring nakawin ang mga motorsiklo na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 4,881 ang nanakaw.
Masyado nang mabangis ang mga carnapper ngayon na kahit sa kasikatan ng araw ay nagagawang paandarin ang sasakyan at naitatakas. Wala namang magawa ang PNP-HPG. Ganito na lang ba lagi ang senaryo na humihingi ng pang-unawa ang PNP sa mga nangyayaring carnapping. Bakit hindi gumawa ng paraan ang PNP para maputulan ng pangil at sungay ang mga carnapper. Kailangan pa bang batikusin para kumilos? Ngayong papalapit ang “ber” months at 2016 elections, tiyak na darami pa ang insidente ng carnapping. Ikalat naman sa kalye ang mga pulis para mapanatag ang kalooban ng mamamayan.