Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
ALAGA NGANG HAYOP matapos ang ilang taong alagaan mo hindi mo mapipigil na mapahal sa iyo. Ano pa kaya kung sanggol ang iwan sa iyo at paglaki ay babawiin na lang basta sa iyo ng ganun-ganun na lamang?
Ang bata pa ng pamangkin ko halos hindi niya binibisita. Mas ginusto niyang makisama sa lalaki niya. Basta na lang iniwan ang kapatid ko at ipinagpalit sa iba,” sabi ni Julie.
Isa si Perlita “Perly” Remiendo sa nag-alaga sa kanyang pamangkin na ngayon ay ipinagkakait na sa kanila.
Kwento ni Perly ang kapatid niyang si Julius ang ama ng limang taong gulang na bata. high school pa lang si Julius sa Marikina ay karelasyon na niya ang isang nagngangalang Maybelline Patag.
“Magkaklase kasi sila nun. Matagal na silang magkarelasyon hanggang sa napagpasyahan nilang magsama at nagkaroon nga sila ng anak,” salaysay ni Perly.
Nagtatrabaho sa pabrika ang kanyang kapatid habang ang kinakasama naman nito ay isang ‘call center agent’.
Maayos naman ang relasyon ng dalawa at tanggap din ng pamilya ni Julius si Maybelline. Ilang taon ang nakalipas may naririnig na sila na may karelasyon umano ang kinakasama ni Julius.
“Hindi naman namin pinansin baka may naninira lang sa kanya. Wala rin naman kaming nakikitang kahit na anong kaibayan na may lalaki siya,” ayon kay Perly.
Wala rin daw silang ginawang hakbang para malaman kung may karelasyon nga ito sapagkat ayaw nilang basta makialam sa pagsasama ng kapatid at ni Maybelline.
Hindi namatay ang usap-usapang tungkol dito. Isang araw bigla na lang may nag-text kay Julius.
“Pagsabihan mo ang kinakasama mo na layuan ang asawa ko. Naninira siya ng pamilya. May asawa at apat ang anak ng karelasyon niya,” ayon sa text.
Tinanong ni Julius si Maybelline tungkol sa kumakalat na tsismis ngunit wala raw katotohanan ang lahat. Nagtiwala si Julius sa kinakasama.
“Ang gusto kasi ng kapatid ko umamin mismo ang babae. Talagang matigas, hindi siya nagtatapat. Isang araw bigla na lang dumating yung asawa ng karelasyon ni Maybelline sa bahay,” kwento ni Perly.
Nakikiusap umano ito sa kanila na tulungan siyang paglayuin ang dalawa dahil hindi na nagbibigay ng sustento ang mister. May sanggol pa silang anak na kailangang bilhan ng gatas.
Ang pitong taong pagsasama nila Julius at Maybelline ay naputol dahil bigla na lamang daw naglayas ang babae.
“Bawat alis niya pala nagdadala siya ng mga damit pakonti-konti. Iniwan niya ang anak niya sa ‘min,” pahayag ni Perly.
Kapag nasa trabaho si Julius sila ng kanyang ina ang nag-aalaga sa bata. Bihira lang din daw kung bisitahin ni Maybelline ang anak.
Ang naging usapan daw nila ay hihiramin niya ito kada linggo ngunit hindi naman natutupad.
“Nung hiniram niya ang bata sinabi niya sa ‘min na pag-aaralin niya raw malapit sa pinapasukan niya kaya kukunin niya na sa ‘min. Marami naman kaming pwedeng magbantay sa bata. Matapos niyang iwanan basta na lang niya dadalhin sa kanila,” kwento ni Perly.
Balita raw ng kanyang kapatid nagsasama si Maybelline at ang pamilyadong lalaki na karelasyon nito.
Tinatawagan at tine-text nila ito para hiramin ang pamangkin ngunit hindi umano sila sinasagot.
“Hindi naman maganda sa paningin ng bata na ang kinakasama ng kanyang ina ay pamilyadong tao at legal na ikinasal sa ibang babae,” sabi ni Perly.
Kung wala lamang daw sabit ang karelasyon ni Maybelline ay wala silang pakialam sa buhay nito ngunit ang nagpakomplika lamang ay ang pagkuha nito sa kanyang pamangkin.
Parang inilalayo na raw ito sa kanila. Ayaw man lang dalhin sa bahay nila at ipakita sa ama.
Hindi kasal si Julius at Maybelline at limang taong gulang pa lang ang bata. Gustong malaman ng kanilang kampo kung anong maaari nilang maging hakbang upang makita ang bata.
“Sino po ba ang mas may karapatan sa kostudiya ng pamangkin ko? Wala namang karelasyon o kinakasama ngayon ang kapatid ko,” tanong ni Perly.
Lumapit din sina Perly sa asawa ng kinakasama ngayon ni Maybelline at handa daw itong tumulong sa pamilya nila. May mga litrato daw silang makakapagpatunay na magkarelasyon talaga ang dalawa.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa ating batas kapag ang isang bata ay may mababa sa pitong taong gulang dapat nasa ina ang kostudiya nito lalo na kung hindi sila kasal.
Ang ama naman ay hindi pwedeng pagkaitan ng kanyang karapatan sa kanyang anak. Mabibigyan naman siya ng ‘visitation rights’ para makasama naman niya ang bata at tumayo bilang ama nito.
Nakokontra lang ang katotohanang ito kapag ang kanyang tinutuluyan ay hindi maayos at makasasama sa kanya upang lumaki siya ng maayos. Ang pinakapinahahalagahan ng estado ay ang kapakanan ng kabataan.
Kung totoo ang lahat ng inilahad ni Perly sa amin, hindi maganda para sa lumalaking bata na nakikita niyang nakikiapid ang kanyang ina. Nakikipagrelasyon si Maybelline sa pamilyadong tao, sa sitwasyong ito maaaring mawala sa kanya ang kostudiya ng bata.
Una nilang gawin ay mag-file ng petisyon para mabisita niya ang kanyang anak at makasama ito na kahit isang araw man lang sa isang lingo.
Maaari ring hilingin ni Julius na sa kanya mapunta ang pangangalaga ng bata sa pamamagitan ng paghain ng ‘Petition for Custody’ kapag ang kapakanan ng bata ay nanganganib dahil ang ina ay isang inang hindi karapat-dapat o isang ‘Unfit Mother’.
Naiintindihan ko rin kung saan nanggagaling ang nararamdaman ng tiyahin ng bata at ng kanyang pamilya. Napalapit na sa kanila ang bata at napamahal na ito ng mabuti sa lahat sa kanila. Masakit na basta na lamang tanggalan sila ng pagkakataong makasama ito.
Sa ina naman ng bata, napakawalang utang na loob ka rin naman. Nung mga sandaling kinailangan mo ng sandigan na tutulong sa iyo para maalagaan ang bata, mabihisan, mapakain at mabigyan ng tahanan nandun sila para sa anak mo.
Sa tingin mo ba na sa mata ng Diyos makatao ang ginagawa mo. Maaaring legal na ikaw ang may karapatan sa kanyan subalit maka-kristiyano ba ang iyong mga ginagawa ngayon?
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
PARA SA ANUMANG REAKSIYON o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.