Sinag sa dilim
NAKAKABILIB talaga si Senator Grace Poe. Kaliwa’t kanang batikos at pagpuna ang tinanggap tungkol sa kanyang sitwasyon bilang foundling. Kung hindi dahil sa tindi ng takot sa kanyang kandidatura ay hindi sana mauungkat ang mga personal na bagay na wala namang kinalaman sa kakayahan nitong maglingkod.
Siyempre, nandyan ang argumento na obligado siyang harapin ang isyu dahil sa mahigpit na regulasyon ng mismong Saligang Batas. Totoo ito. Subalit kung tanging kuwalipikasyon lang niya bilang Presidential candidate ang nais nilang suriin, mas maganda kung sampahan na ng kaukulang kaso nang magkaalaman. Mabibigyan pa ng pagkakataon ang Senadora na harapin ang mga hamon sa kanyang pagkatao. Hindi yung ganito na parang kinakaladkad sa madla ang usapin na parang may sadyang intensiyon na si Senator Grace ay pahiyain.
Imbes na maawa sa sarili sa kalbaryong pinagdadaanan, nasilipan pa ng Senadora ang kanyang sitwasyon na makapagbibigay ginhawa at solusyon sa milyun-milyong katulad niyang itinapon lang ng magulang na walang ama o inang kinagisnan. Sa gitna ng mga negatibong ipinupukol sa kanya, nakabuo si Senator Grace ng positibong panukala na tututok sa walang linaw na kalagayan ng mga foundling. Sa kanyang Senate Bill 2892, hiniling niyang isama ang foundlings sa hanay ng mga CNSP (Children in Need of Special Protection) na mandong mairehistro sa loob ng 60 days matapos mapunta sa kustodiya ng nakahanap.
Sa ipinamalas ni Senator Grace sa mapait na kabanatang ito ay makikita ang kanyang malasakit, pag-unawa at ang kanyang pagkapanatag na loob sa harap ng matinding pagsubok. At, gaya ng sa umpisa ng kanyang buhay na pawang hirap, hadlang at hamon ang nakaharap, nalampasan niya ang lahat ng ito at nahanapan ng sinag ang dilim na kanyang kinalalagyan.
Para sa marami, malinaw itong katangian ng isang tunay na lingkod bayan.
- Latest