NANG huling magkausap kami ni Bro. Eddie Villanueva ilang buwan na ang nakararaan, sinabi niya na tapos na siya sa politika.
Pinababahala na lamang daw niya ang politika sa kanyang anak na si TESDA Director-General Joel Villanueva. Dalawang beses nagtangka si Bro. Eddie na tumakbo sa pagka-Pangulo at minsan sa pagka-Senador at alam n’yo na ang nangyari.
Sabi ko sa kanya, ilang ulit man siyang tumakbo sa anumang posisyon at ilang beses man siyang matalo o madaya ay patuloy akong susuporta at boboto sa kanya. Vote of conviction and principle. Ganyan din ang paniniwala ng iba pang naninindigan na ang kailangan natin ngayon ay hindi lamang magaling na leader kundi isang pinunong may takot sa Diyos.
Ang problema, tila hindi pa handa ang mga Pilipino na bumoto sa isang tao na ang reputasyon ay pinuno ng relihiyon. Si Bro. Eddie ang namumuno sa Jesus is Lord Church. Kaya kakatwa na mas pipiliin nila yung mga “robin hood” na nagnanakaw para ibahagi “kunu” sa mga mahihirap. O kaya yung mga pumapatay nang walang due process para linisin “kunu” sa mga kriminal na elemento ang lipunan.
Nakakaawa si Joel! Maganda ang performance niya bilang pinuno ng TESDA pero pilit isinasabit sa ”pork barrel scam” ni Napoles. Ito’y bagay na para sa akin ay mahirap paniwalaan dahil personal kong kakilala ang taong ito. Mismong ang National Bureau of Investigation (NBI) ang nagberipika sa mga pirma sa dokumento ng transaksyon umano kay Napoles ni Villanueva at ang lahat ng 21 dokumento ay napatunayang puro peke ang mga sinasabing lagda ni Joel.
Hindi ba ang NBI ay nasa hurisdiksyon ng Department of Justice? Kung magkagayon, bakit isinama si Joel sa ikatlong batch ng mga kongresistang kinasuhan? Sabagay hindi pa talaga kaso ito dahil sinisiyasat pa lang ng Ombudsman bago humantong sa Korte.
Ang hinala tuloy ni Joel, may isang tao sa administrasyon na gusto siyang ilaglag sa hanay ng mga tatakbo sa pagka-senador ng Liberal Party. Iniisip din ng iba na baka kasama si Joel sa mga “sacrificial lamb” ng administrasyon para hindi ito maakusahan na hindi nito kinakasuhan ang mga kaalyado nito. Huwag naman sana. Naniniwala akong malulusutan ni Joel ang problemang ito. Bata pa siya at may tibay ang dibdib bukod sa pagiging maka-Diyos. You can never put down a good man.